top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Tatum, James, Vucevic at Harden, nagpasikat

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 27, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 27, 2021





Nagpakitang-gilas si LeBron James sa kanyang pag-uwi sa Ohio at nanaig ang defending champion Los Angeles Lakers sa Cleveland Cavaliers, 115-108, sa NBA kahapon sa Rocket Mortgage FieldHouse. Uminit para sa 21 puntos sa 4th quarter si James at nagtapos na may 46, ang kanyang pinakamataas sa ngayong torneo.


Lamang ang Cavs matapos ang 3rd quarter, 91-87, subalit ginising nina James at Montrezl Harrell ang Lakers at inagaw at hindi na binitawan ang lamang, 97-96. Malaki rin ang ambag nina Anthony Davis na may 17 puntos at Harrell na may 15 puntos.


Bumalik sa aksyon si Jayson Tatum matapos lumiban sa 5 games at pinagwagi ang Boston Celtics sa Chicago Bulls, 119-103. Huling naglaro si Tatum noong Enero 8 at ngayon ay nagsumite ng 24 puntos at si Jaylen Brown sa 26 puntos.


Ginulat ng Detroit Pistons ang Philadelphia 76ers, 119-104, sa tapatan ng dalawang koponan sa magkabilaang dulo ng NBA. Lamang sa buong 48 minuto ang Pistons para sa pang-apat na panalo salamat kay Delon Wright na may 28 puntos at Jerami Grant na may 25 puntos subalit nasa ilalim ng Eastern Conference.


Nakabawi ang Orlando Magic sa Charlotte Hornets, 117-108, sa likod ng 28 puntos ni Nikola Vucevic at 21 puntos ni rookie Cole Anthony. Binuhat ni Malcolm Brogdon ang Indiana Pacers sa kanilang resbak sa Toronto Raptors, 129-114. Umapoy para sa 36 puntos si Brogdon habang may 22 si Jeremy Lamb at 21 si Myles Turner.


Nakaiwas ang Brooklyn Nets at nagtala ng dalawang sunod na panalo sa Miami Heat, 98-85. Parehong may 20 puntos sina James Harden at Kevin Durant habang may 16 puntos si Kyrie Irving.


Sumama sa mga nanalo ang Denver Nuggets matapos lusutan ang Dallas Mavericks, 117-113. Nagdiwang ang bagong hirang na Western Conference Player of the Week Nikola Jokic sa paggawa ng 20 puntos upang samahan si Michael Porter Jr. na nagsabog ng 30 puntos mula sa anim na tres.


Samantala, pinaliban muna ng NBA ang laro ng San Antonio Spurs at New Orleans Pelicans bilang bahagi ng health protocol. Parehong hindi buo sa walong manlalaro ang teams at umakyat na sa 22 ang mga apektadong laro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page