Tatum at Smart, nag-aapoy sa Celtics, lider na sa NBA League
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 16, 2022

Walang duda na ang Boston Celtics ang pinakamainit na koponan sa NBA ngayon at inagaw ang liderato ng buong liga matapos talunin ang bisitang Oklahoma City Thunder, 126-122, sa TD Garden kahapon. Ito na ang ika-pitong sunod ng Celtics at nakatulong sa kanila ang Atlanta Hawks na hinila pababa ang dating numero unong Milwaukee Bucks, 121-106.
Bumanat ng tig-10 puntos sa 4th quarter sina Jayson Tatum at Marcus Smart, kasama ang paniguradong free throw ni Tatum na may apat na segundo sa orasan. Nagtapos na may 27 puntos at 10 rebound si Tatum habang may 26 puntos si Jaylen Green para sa 11-3 panalo-talo.
Hawak ng Hawks ang Bucks sa leeg at wagi sa huling dalawa ng tatlong tapatan nila ngayong taon. Bumida sa Atlanta sina Deandre Hunter na may 24 at Trae Young may 21 puntos at lumubog ang Milwaukee sa 10-3 o kalahating laro sa likod ng Celtics.
Nagbigay-buhay sa kampanya ng World Champion Golden State Warriors ang 132-95 tagumpay sa bisitang San Antonio Spurs salamat sa 36 puntos ni Jordan Poole. May kartadang 6-8 ang Warriors subalit kahit matatag sila sa Chase Center ay wala pa silang panalo sa pitong laro sa labas ng tahanan.
Ipinasok ni Bam Adebayo ang dalawang free throw na may 35 segundong nalalabi at itulak ang Miami Heat sa tagumpay sa bisitang Phoenix Suns, 113-112. Double-double si Adebayo na may 30 puntos at 10 rebound habang anim sa pitong iba pang ipinasok ni kabayan Coach Erik Spoelstra ay nag-ambag ng 10 o higit na puntos.
Panalo rin ang Los Angeles Clippers sa pagdalaw nila sa Houston Rockets, 122-106, salamat sa 22 puntos ni Paul George.





Comments