Tatum at Brown, madiskarte, Fil-am Clarkson, nakahabol
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 3, 2023

Ibang bangis ang ipinamalas ng numero unong Boston Celtics kontra sa bisitang Brooklyn Nets, 139-96, sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa TD Garden.
Malaking papel din ang ginampanan ni kabayan Jordan Clarkson sa 131-128 pagtakas ng Utah Jazz sa Toronto Raptors.
Ipinasok ni Jayson Tatum ang 18 ng kanyang 31 puntos sa first quarter kung saan umabante agad ang Celtics, 46-16 at lumaki ito lalo sa gitna ng 4th quarter, 127-78.
Sinuportahan siya ni Jaylen Brown na may 26 puntos para sa kanilang ika-37 panalo sa 52 laro.
Uminit si Clarkson sa second half para sa 17 ng kanyang 23 puntos. Nanguna sa Jazz si Lauri Markkannen na may 28 puntos at 13 rebound habang angkla ng depensa si rookie Walker Kessler na may nagtala ng 17 puntos, 14 rebound at pitong tapal.

Hindi na pinapuntos ng Minnesota Timberwolves ang World Champion Golden State Warriors sa huling minuto ng overtime upang maukit ang 119-112 panalo. Sabay-sabay gumana ang laro nina D’Angelo Russell na may 29 at Anthony Edwards na may 27 puntos habang may 24 puntos at 13 rebound si Naz Reid.
Pumulot ng panalo ang kulelat na Houston Rockets sa Oklahoma City Thunder, 112-106, sa gitna ng pagliban ni kabayan Jalen Green dahil may pasa sa binti. Bumida si Eric Gordon na may 25 puntos habang 20 puntos at 13 rebound si Tari Eason bilang reserba.
Bitbit ang aral mula sa laro nila noong isang araw, bumawi ang Philadelphia 76ers at pinatid ang Orlando Magic sa kanilang ikalawang paghaharap, 105-94. Patuloy ang pasikat ni Joel Embiid matapos hindi binoto sa All-Star at nagbagsak ng 28 puntos at 11 rebound.





Comments