top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Tatlong pulis na nameke ng RT-PCR results, lagot!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 11, 2021
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 11, 2021



TATLONG POLICE APPLICANTS NA GUMAMIT NG PEKENG RT-PCR RESULTS, IMBES SA PNP MAPASOK, SA KULUNGAN SILA IPINASOK NI GEN. ELEAZAR—Nabisto ng mga tauhan ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa PNP-Recruitment and Selection Service Unit na tatlong aplikante sa pagpupulis ang nagsumite ng pekeng RT-PCR results sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).


Akala siguro nila ay hindi sila mabibisto dahil napakalayo ng kanilang lugar sa Camp Crame, pero nagkamali sila dahil pursigido si Gen. Eleazar na walang palusuting ‘bad applicants’ sa PNP, at dahil nabistong peke ang kanilang isinumiting RT-PCR results, imbes sa PNP sila makapasok, sa kalaboso ang kanilang bagsak kasi pinasampahan na sila ng kasong falsification of public documents, boom!


◘◘◘


KUNG SASABAK SI YORME SA PAGKA-PANGULO, DAPAT IPAHULI NA NIYA SI “BOY ABANG” KASI MAKASISIRA ITO SA KANYANG KANDIDATURA—Kung dati ay sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na wala siyang planong kumandidatong pangulo at pagka-alkalde pa rin sa Maynila ang kanyang tatakbuhan sa 2022 election ay sa tema ng mga salita niya ngayon ay tila sasabak na ito sa 2022 presidential election.


Kung itutuloy ni Yorme ang kanyang planong lumahok sa 2022 presidential election, dapat ipahuli na niya ang Manila Bookies King na si “Boy Abang” kasi tiyak na makasisira ito sa kanyang kandidatura.


Madalas ibida ni “Boy Abang” na inaanak niya si Yorme at kung totoo ito ay panget pakinggan na ang isang kumakandidato sa pagka-pangulo ay may “godfather” na gambling lord, period!


◘◘◘


KUNG NAIS NG LIMANG GOBERNADOR NA BUMABA ANG KASO NG COVID-19 SA KANILANG MGA LALAWIGAN, GAYAHIN NILA SI GOV. SINGSON NA IPINA-STOP ANG STL SA ILOCOS SUR—Mula nang ipatigil ni Ilocos Sur Gov. Ryan Singson ang operasyon ng STL (small-town lottery) ay bumaba na ang bilang ng mga nagkaka-virus sa kanilang mga lalawigan.


Nagpasya si Gov. Singson na ipa-stop ang STL matapos niyang malaman na ang sanhi ng pagdami ng mga nagkaka-virus sa Ilocos Sur ay ang mga kubrador na positibo sa COVID-19 na nagbabahay-bahay para magpataya.


Subukan lang nina Pangasinan Gov. Amado Espino, Cavite Gov. Jonvic Remulla, Rizal Gov. Rebecca Ynares, Laguna Gov. Ramil Hernandez at Batangas Gov. Herminaldo Mandanas na ipatigil ang operasyon ng STL, Perya ng Bayan at jueteng sa kanilang mga nasasakupan, tiyak na matutulad din sa Ilocos Sur ang kanilang lalawigan na bumaba na ang kaso ng COVID-19, period!


◘◘◘


ANG SIPAG MANGHULI NG TROPA NI COL. PETALLO NG MGA NAGPUPUSOY PERO “NGANGA” NAMAN SA MGA NAGPAPA-JUETENG—Apat na naglalaro ng pusoy-dos ang dinakip ng mga tauhan ni Laguna PNP Director, Col. Serafin Petallo II sa Lumban, Laguna.


Eh, ang tanong: Kailan kaya manghuhuli ang tropa ni Col. Petallo ng mga sangkot sa jueteng sa Laguna?


Mantakin n’yo, ang sipag manghuli ng tropa ni Col. Petallo ng mga naglalaro ng tinatawag na sugal-lupa na pusoy-dos na papisu-piso lang ang taya, pero “nganga” namang sa raket na jueteng nina “Ibora”, “Toce” at “Alvarez” na milyun-milyong piso daily ang kinikita sa panraraket sa mga taga-Laguna, boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page