top of page

Tari at tawilis

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 21
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 21, 2025



Fr. Robert Reyes

Ano ang pagkakatulad ng tari at tawilis liban sa unang titik? Walang pagkakapareho kung maingat na tutuusin. Ang tari ay suot ng manok na panabong at ang tawilis ay isdang natatagpuan sa lawa ng Taal.


Ngunit kung totoo ang sinasabi ni Julie Patidongan, ang bagong whistleblower na nagbulgar na itinapon ang mga bangkay ng mahigit na 30 katao sa gitna ng lawa ng Taal, naroroon kasama ng mga tawilis ang mga labi ng mga sabungero araw at gabi.


Hindi ang mga manok panabong ang itinapon kundi ang mga sabungerong humahawak sa mga manok panabong ang pilit na pinatahimik sa kalalima’t kadiliman ng lawa ng Taal. Kung totoo ang sinasabi ng whistleblower, matagal-tagal na ring nagsasama ang mga tawilis at ang mga bangkay ng nasawing sabungero.


Nang mananghalian tayo sa isang kainan sa Tagaytay noong nakaraang linggo, pritong tawilis at sinigang na baboy ang inorder ng nag-imbita sa amin. Nagdadalawang-isip tayo kung kakainin natin o hindi ang tawilis. Bakit? Alam na ng lahat ang dahilan ‘di ba? 


Naalala tuloy natin ang trahedya ng paglubog ng Princess of the Stars sa pampang ng San Fernando, Romblon noong Hunyo 21, 2008, na higit 800 pasahero ang nasawi sa trahedya. Nangyari ang hindi dapat nangyari, salamat sa pagsuway ng kapitan sa babala ng Coast Guard na huwag nang tumuloy sa kanilang biyahe patungong Cebu dahil sa Bagyong Frank. Hindi linggo kundi buwan ang inabot ng paghahanap sa mga bangkay ng mga nasawing pasahero. 


Naalala pa natin ang pagtulong natin sa Public Attorney’s Office sa mga panahong iyon. Ganoon din ang kumalat na mga kuwento tungkol sa mga isda sa lugar na iyon. Sabi ng ilan, “Malulusog at malinamnam ang mga isdang huli sa lugar ng trahedya ng paglubog ng Princess of the Stars.”


Samantalang nagpapatuloy ang paghahanap sa 34 na nawawalang sabungero sa lawa ng Taal, nagsimula na rin ang ingay tungkol at laban sa salot ng online sabong.


Lumalalim ang kuwento sa paghahain ng ‘administrative case’ laban sa isang retiradong heneral, dalawang aktibong colonel at 12 pulis na sangkot umano sa pagpatay (sinakal) at pagtapon ng mga bangkay ng mga sabungero sa Taal Lake. Dagdag naman ng Department of Justice na maaaring ang mga natagpuang magkahalong buto ng tao at hayop ay mula pa sa war on drugs ng nagdaang administrasyon.


Hindi lang tungkol sa nabubulok na mga bangkay at ang mga isdang kumakain nito ang istorya. Meron iba pang nabubulok na lumilitaw. Ang bulok na sistema ng katarungan at ang sistema ng kapulisan. Bakit nasasangkot na naman ang mga pulis sa kaso ng nawawalang mga sabungero? Talaga bang may kinalaman ang sila sa pagdukot, pagpatay at pagkawala ng mga sabungero? Sana hindi, ngunit kung mapapatunayang sangkot ang ating kapulisan, malungkot na kuwento na naman ito ng kabulukan. Kung may kinalaman ang malalaking businessmen na malapit sa nakaraang administrasyon, ano ang sinasabi nito tungkol sa sistema ng pulitika at ng business o pangangalakal sa ating bansa? Hindi ba’t bulok din?


Huwag na tayong magugulat kung bakit laganap ang online sabong at ang lahat ng uri ng legal at ilegal na sugal. Mabilis ang pera sa sugal, ilegal man o legal. 

Dito sa aming parokya, naririyan ang isang casino hotel, ang langit ng mga “highroller” ‘ika nga. At sa buong paligid naririto rin ang lahat ng uri ng sugal mula online sabong, jueteng, mahjong, bingo at napakarami pang iba.


Nasa Madrid tayo noong nakaraang buwan kasama ng ilang mga peregrinong nagsagawa ng Camino de Santiago de Compostela. Bago kami umuwi, dumalaw kami sa harap ng Las Ventas Bullring sa Madrid. Napakakapal ng tao noong linggong iyon.


Merong Corrida de Toros o laban ng mga toro (lalaking baka) at matador (pumapatay ng toro). Malaking pera ang sangkot sa Corrida de Toros. Mahal manood dito at ang mga pumupunta ay hindi lang nanonood kundi pumupusta, nagsusugal din. Hindi nadala ng mga Kastila ang Corrida de Toros sa Pilipinas, ngunit merong papel ang mga Kastila sa pagpapalaganap ng sabong.


Dati na ang sabong sa ating bansa, wala pa ang mga Kastila. pero malaki ang papel ng mga Kastila sa pagbibigay hugis (porma at sistema) at pagpapalaganap ng sabong sa Pilipinas. 


Kung merong espadang gamit ng matador sa pagpatay sa toro, merong tari na gamit ng sabungero para magpatayan ang kanilang mga manok panabong. 


Maraming nagpoprotesta sa Corrida dahil laban ito sa dangal at karapatan ng mga hayop. Hindi ba’t ganoon din ang sa sabong? Baka dapat na ring iprotesta mismo ang sabong.


Sa halip na mga sabungero o manok panabong ang itapon sa lawa ng Taal ay mas magandang kolektahin ang lahat ng tari at itapon ang mga ito roon. Hindi ito papansinin ng mga isda at maaaring hindi sila maapektuhan nito. Ngunit tiyak na malaki ang magagawang kabutihan ng pagkawala o pagtigil ng gamit ng tari, ang paghinto sa kultura ng sugal na bumubulok sa pulitika, sa kapulisan, sa mga korte, at sa mga mamamayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page