Tangkang pananakop ng mga Chinese vessel sa EEZ ng ‘Pinas, ‘hot issue’ pa rin
ni Ka Ambo - @Bistado | May 04, 2021
Isang mainit na isyu ang tangkang pananakop ng mga Chinese vessel sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Nagde-diskusyon ang mga eksperto!
◘◘◘
SA gitna nito, aktuwal na nagpadala ng pormal na mensahe si Sen. Manny Pacquiao kay Chinese Ambassador Huang Xilian na humihiling na pabalikin na sa China ang mga naturang barko.
Sa totoo lang, ang naturang mensahe ni Pacquiao ay nauna pa kaysa sa resolusyon na nilagdaan ng mga kasamahan niya sa Senado!
◘◘◘
HINDI makikita ang kanyang lagda sa joint resolution ng mga senador na nagkokondena sa pananakop ng Chinese vessels.
Ito ay dahil may sarili siyang pormal na komunikasyon sa China!
◘◘◘
Sa pormal na liham na ipinadala ng opisina niya kay Huang noong Abril 10, nagpahayag ng pagkabahala ang boxing champion sa mga ulat na nasa 220 Chinese vessel pa ang nananatili sa Julian Felipe Reef.
Ipinadala ni Pacquiao ang sulat kay Huang, 16-araw bago lumagda ang 11 kapwa niya senador na pinamumunuan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa resolusyon ng pagkondena sa presensiya ng mga Chinese fishing vessel!
◘◘◘
“ANG patuloy na presensiya ng mga barko ng Chinese sa nasabing reef na nasa ‘exclusive economic zone at contintenal shelf ng Pilipinas’ ay lumilikha lang ng tensiyon at nagtutulak ng pagkakahat-hati sa ating rehiyon at patunay na sumisira sa katatatagan ng international rule of law,” pagsipi sa kanyang mensahe.
Wala pang reaksiyon si Huang sa naturang mensahe!
◘◘◘
IDINUGTONG ni Pacquiao: “Kaugnay nito, muli akong nananawagan sa Chinese government na paalisin na ang kanilang mga barko sa teritoryo ng Pilipinas. Hiling namin ang pagrespeto ng China sa aming soberany”.
Nilinaw ni Pacquiao na sa halip na lumikha ng gulo sa mga kapitbahay nating bansa, dapat umakto ang China bilang ‘unifying figure’ para sa pagkakaisa sa rehiyon!
◘◘◘
MALINAW ang disposisyon ni Pacquiao hinggil sa naturang maselang isyu.
“Dapat magtulungan ang ating mga gobyerno sa paglikha ng pangmatagalang kapayapaan at kooperasyon sa buong Asia-Pacific region, lalo na’t pare-parehong sinusubok ng pandemya ang ating katatagan,” diin ni Pacquiao.
◘◘◘
BINIGYAN-DIIN niyang walang katotohanan na direkta siyang tumanggi sa paglagda sa Senate Resolution 708 na nagpapahayag ng pakikisimpatya ng Senado sa pagkondena sa mga aktibidad ng mga Chinese sa exclusive economic zone ng Pilipinas at iba pang bahagi ng West Philippine Sea.
Sabi ni Pacquiao, dalawang linggo makaraan niyang ipadala ang sulat kay Huang, saka naman nagpasa ng resolusyon si Drilon na kapareho rin ng laman ng kanyang hiling sa China kaya hindi na siya lumagda rito!
◘◘◘
HINDI siya maaaring maakusahan na maka-US dahil sa kinokondena niya ang China sa naturang isyu.
Nauna rito, hinamon niya ang mga “racist” na ‘Kano na siya ang bugbugin at huwag ang mga Asyano na pinagdidiskitahan kaugnay ng COVID pandemic.
Ibig sabihin, pareho siyang kontra sa pag-abuso ng mga ‘Kano at Tsekwa.
Mapanindigan niya sana ‘yan!





Comments