Tandaan: Rabies awareness ngayong Marso!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 12, 2021
Tuwing sasapit ang Marso ay unang sumasagi sa isip ng marami sa atin ang Fire Prevention Month dahil sa kasabay nang pagpasok ng tag-init ay ang mabilis na pagliyab ng maraming bagay kaya kailangan ng karagdagang pag-iingat.
Itinuturing din na Buwan ng Kababaihan ang Marso dahil sa tuwing ika-8 ay ipinagdiriwang ang International Women’s Day at sa ating bansa bilang isa sa pagpapahalaga ng pamahalaan ay pinapayagan silang sumakay sa LRT nang walang bayad buong maghapon.
Pero nakaliligtaan ng marami na ang buwang ito ay Rabies Awareness Month din dahil natapat ito sa summer, mainit ang panahon at iretable ang mga hayop, partikular ang mga aso bukod pa ito sa World Rabies Day na ipinagdiriwang naman tuwing Septyembre 8.
Ayon sa Department of Health (DOH) ito ang panahon na marami ang nakakalmot o nakakagat ng aso at pusa kahit sariling alaga pa dahil marami sa mga aso o pusa ang aburido at wala sa tamang kondisyon kaya hindi dapat kinukulit o hinaharot.
Marami sa atin ang labis ang tiwala sa mga aso o pusa lalo pa kung sarili nilang alaga kaya wala silang pakundangan kung abusuhin ang mga ito at itinatabi pa ng ilan sa pagtulog na lubhang napakadelikado.
Lalo kung pusa dahil posible nilang maipit sa higaan at kapag nasaktan ay agad silang kalmutin at mahawa sa rabies dahil ang pusa umano ay madalas dilaan ang kanilang mga paa kaya malaki ang tsansa na malipat dito ang rabies kung may taglay sila nito.
Ayon sa DOH, naglalaro umano sa 200 hanggang 300 katao ang nasasawi taun-taon dahil sa rabies na karaniwang nakukuha sa kagat ng aso o pusa at maraming insidente na mga bata ang biktima dahil sa pakikipaglaro lang sa alagang hayop.
May isang sikat na celebrity nga kamakailan lang na mahal na mahal niya ang alaga niyang aso na kahit napakaliit ay mamahalin at nang aktong hahalikan na niya ito ay bigla siyang kinagat sa labi na posibleng nagulat o nahigpitan sa pagkakahawak ang naturang aso.
Hindi naman lahat ng hayop ay nahahawa sa rabies, ang tanging nahahawa nito ay ang mga mammals kasama na ang tao at nakakaapekto ito sa utak at nervous system ngunit karaniwan ay sa pamamagitan ng kagat lamang.
Kaya dapat kapag nakakagat ng aso ay obserbahan ito sa loob ng 10 hanggang 14-araw at kapag naglabasan ang mga sintomas tulad ng pagkaparalisa ng mga paa at panga, lagnat, labis na paglalaway, pagkairitable at hirap sa pagkain ay positibo ito sa rabies.
Hindi rin dapat balewalain kapag nakagat ng aso kahit napakaliit o tila gasgas lang ang sugat na tinamo dahil sapat na ang ngipin ng tuta para makapagpasok ng rabies sa kanyang kinagat.
Dapat ding maging alerto dahil lahat ng pagkakataon ay makikita o lalabas agad ang sintomas ng rabies minsan ay ilang linggo, may insidente na inaabot ng buwan at may pangyayari rin na malala na o umakyat na sa utak ang rabies bago pa nadala sa pagamutan.
Wala ring katotohanan na ang paglalagay ng bawang sa sugat na kinagat ng aso ay makagagaling dahil mas mabuting hugasan agad ito ng tubig at sabon bago dalhin sa ospital upang maturukan ng post-exposure prophylaxis.
Sa ngayon ang bawat lokal na pamahalaan ay may mga kampanya laban sa rabies kaya makabubuting paturukan natin ang mga alaga nating aso dahil libre naman ito at sa mga may pambayad ay dalhin sa beterenaryo ang inyong mga alaga.
Sa ngayon ay may ipinatutupad na Rabies Prevention and Control Program ang DOH upang paigtingin pa ang kampanya at palawakin pa ang kaalaman kung paano makapag-iingat laban sa rabies.
Target ng DOH na tuluyan nang maalis ang human rabies at maideklara tayong Philippines Rabies-Free sa 2022 na isang napakagandang layunin at wala naman akong nakikitang balakid para hindi ito maisakatuparan.
Kaya sa mga walang pakialam kung may bakuna o wala ang alaga nilang aso laban sa rabies ay doblehin ninyo ang pag-iingat baka mahal n’yo pa sa buhay ang makagat o kayo mismo at hindi na kayo maagapan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments