top of page
Search
  • BULGAR

Tamang proyekto, sa tamang presyo, na tama ang kalidad, sa tamang oras

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 17, 2022


Excited tayo nang pangunahan natin ang kauna-unahang pagdinig sa ilalim ng ating komite na public works, kung saan ay tinalakay agad ang development plan hinggil sa mga isasagawang imprastraktura sa buong bansa.


Bilang chairman ng Committee on Public Works, pinangunahan natin ang naturang pagpupulong sa ilalim ng 19th Congress na nagkaroon agad ng adoption of internal rules, briefing at pakikipagtalastasan sa pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).


Sa pagharap ng DPWH, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng matinding pananagutan ng bawat isa at pagpapahalaga sa buwis na taumbayan.


Ipinaliwanag nating mabuti na dapat maintindihan na ang public infrastructure ay para sa taumbayan at dapat namin itong maisakatuparan ng seryoso sa tunay na kahulugan nito para maramdaman ng publiko ang pag-unlad.


Kunsabagay pinatunayan naman ng DPWH ang kanilang husay sa nagdaang administrasyon, ngunit naniniwala tayong may mas ilalabas pa silang husay kung mas pagbubutihin pa nila ang pagtatrabaho.


“Tamang proyekto, sa tamang presyo, na tama ang kalidad, sa tamang oras – at walang pagsisidlan ang dahilan para maantala ang proyekto kahit isang minuto.


Sisiguruhin nating ang bawat plano sa isasagawang imprastraktura ay hindi lamang basta may mabilisang pagtugon kung hindi matiyak na patungo sa mas ikauunlad pa ng bansa.


Kaya sa gitna ng pakikipagpalitan ng mga paliwanag sa pagharap sa atin ng DPWH ay agad ko silang tinanong kung ano ang nakahanda nilang plano o imprastrakturang isasagawa para matugunan ang pagbaha sa maraming bahagi ng National Capital Region (NCR) at mga karatig-lalawigan.


Kailangang magsumite ang DPWH ng kapani-paniwalang plano kung paano marersolba ang napakabilis na pagtaas ng tubig sa NCR sa tuwing umuulan at dapat ay konkretong solusyon at hindi panandalian lamang.


Hindi puwedeng linis-linis lamang ang kanilang irerekomenda dahil sa dapat ay ginagawa talaga ‘yan, ang sinasabi ko ay imprastraktura na tutugon para hindi na bumaha ang maraming lugar dahil nabigyan natin ng solusyon.


Bukod sa pagbaha ay malaking asikasuhin din natin ang pagbangon ng mga kababayan natin mula sa epekto ng lindol. Itinataya kasing may isang bilyong pisong halaga ng imprastraktura ang nasira. Inusisa natin ang magiging timetable ng DPWH at pagkukunan ng pondo para dito.


Tinanong ko rin ang DPWH sa kanilang Top 10 flagship infrastructure projects upang marebisa kung may mga dapat baguhin, palakasin o dapat pang palawakin para agad na masimulan sa lalong madaling panahon.


Medyo mabigat ang nakaatang sa ating responsabilidad dahil sa matagumpay na Build, Build, Build Program ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kitang-kita naman kung gaano karami ang kapaki-pakinabang na proyekto ang kanilang naisagawa.


Sinigurado nating walang magiging problema sa ilalim ng panunungkulan ng kasalukuyang pangulong si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. dahil buong-buo naman ang kanyang suporta na mas mahigitan pa ang tagumpay ng nakaraang administrasyon hinggil sa kanilang Build, Build Build Program.


Tuwang-tuwa ang sambayanan sa napakaraming imprastrakturang naisagawa ng nakaraang administrasyon hindi lang sa Metro Manila kung hindi maging sa maraming lalawigan at gagawin namin itong inspirasyon para mas mapagbuti pa ang aming trabaho.


Siyempre ay kaakibat nito ang napakaraming trabahong naghihintay sa ating mga kababayan dahil tiyak na sa dami ng ating isasagawa ay santambak na trabahador din ang kailangan na may kinalaman sa konstruksiyon.


Dalawang ibon ang tatamaan natin sa isang putok, una ay dumarami ang ang proyekto at ikalawa at daragsa pa ang trabaho.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.co

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page