Tama at sapat na suporta sa mga atleta, pagkilala sa kanilang sakripisyo para sa bayan
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 10, 2022
Hindi maikakailang world-class ang ating mga atleta. Noong nakaraang Tokyo Olympics, nakasungkit tayo ng apat na medalya sa dalawang laro, kasama na ang pinakaunang ginto simula noong unang sumali ang Pilipinas sa Olympics.
Sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, nakita natin kung paano sinuportahan ang mga atleta — mula sa kanilang pag-eensayo hanggang sa paglahok sa mga kompetisyon sa iba’t ibang parte ng mundo. Kasama na ang pagdagdag sa budget at sa pagtupad ng mga pangakong insentibo.
Dahil dito, maliban sa angking galing ng mga Pilipino at suporta ng sambayanan, patuloy na nagbibigay ng karangalan ang ating mga atleta sa bansa, tulad noong ating pagiging overall champion sa nakaraang 30th Southeast Asian Games.
Nitong mga nagdaang buwan, naging balita ang isyu tungkol sa isa nating pole vault athlete na si Ernest John “EJ” Obiena. Malaking karangalan ang naibigay niya sa bansa dahil sa kanyang pagkapanalo sa iba’t ibang kompetisyon. Kahanga-hanga ang kanyang determinasyon na maiangat ang watawat ng Pilipinas sa mga kompetisyon kanyang sinalihan.
Matapos pumutok ang isyu sa pagitan ni Obiena at ng Philippines Athletic Track and Field Association, minabuti nating pumagitna upang maayos ang hindi pagkakaunawaan na ito. Kung kaya noong Lunes, Pebrero 7, bilang chair ng Senate Committee on Sports, nagpatawag tayo ng inquiry in aid of legislation sa Senado.
Maliban sa kagustuhan nating maresolba ang problema, hangad din nating mapag-aralan ang mga panukala na puwedeng ipasa upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari. Isa sa mga napag-usapan sa pagdinig ang panukalang Magna Carta para sa mga atletang Pilipino na ating sisikaping mabuo para maipaglaban, lalo na ang kanilang kapakanan.
Bilang mambabatas, patuloy nating isusulong ang mga inisyatibo at programang lalong magpapabuti sa ating mga atleta. Siguraduhin nating naibibigay ang tama at sapat na suporta bilang pagkilala na rin sa kanilang sakripisyo para sa bayan.
***
Samantala, ilang buwan na lang ay eleksiyon na. Nagsimula na ang kampanya para sa national positions. Huwag nating kalimutan na, higit sa pagpili sa mga susunod na lider ng ating bansa ay hangarin din natin ang patas at mapayapang eleksiyon.
Bumoto tayo ng mga lider na sa tingin natin ay may kakayahang ipagpatuloy ang mga magagandang programa na nasimulan ni Pangulong Duterte. Kinabukasan ng bansa ang nakasalalay dito. Pumili tayo nang tama upang masiguro ang patuloy na pag-usbong ng bansa tungo sa kaunlaran at mas komportableng buhay para sa lahat tulad ng sinikap na maibigay ng administrasyong Duterte.
Sa pamumuno ni Pangulong Duterte, maraming magagandang pagbabago na nangyari upang maiangat ang antas ng pamumuhay at maproteksiyunan ang kapakanan ng mga Pilipino.
Sinimulan niya ito sa kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad at korupsiyon.
Naramdaman nating mas naging ligtas ang ating komunidad. At higit sa lahat, nagkaroon ng oportunidad at pag-asa ang mga kababayan nating naghihirap ng mas masaganang buhay at maayos na kinabukasan.
Lalong gumanda ang ating serbisyo dahil sa Build, Build, Build program, kung saan mas dumami ang imprastruktura at umayos ang transportasyon at connectivity sa buong bansa. Nabigyan natin ng tulong ang mga nawalan ng trabaho, sapat na suporta ang mga nagugutom at tinugunan natin ang mga hinaing ng mga nangangailangan. Sa loob ng anim na taon, nailapit natin ang serbisyo ng gobyerno sa tao upang maramdaman ng lahat ang tunay na pagbabago kahit saang sulok ng bansa.
Naging pangunahing programa rin ng Pangulo ang maayos na healthcare system sa bansa. Isa sa mga nilagdaan nito ang Universal Health Care bill para mas mapalawak ang serbisyong medikal para sa lahat mga Pilipino. Kaugnay nito, isinulong din natin ang Malasakit Center na naging batas din noong unang taon natin bilang Senador. Ang Malasakit Center ay one-stop shop, kung saan naging mas madaling makakuha ng tulong mula gobyerno pagdating sa pangangailangang pangkalusugan.
Bilang chairman naman ng Senate Committee on Health, patuloy ang ating laban kontra sa COVID-19. Mas palakasin pa natin ang ating vaccine rollout dahil bakuna ang tanging susi upang malampasan natin ang krisis at makabalik na tayo sa normal na pamumuhay.
Kung hindi dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, maganda na sana ang andar ng ating ekonomiya at pamumuhay. Gayunman, sinikap nating malampasan ang mga krisis na dumating sa ating buhay at nagbayanihan tayo upang masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon bilang isang nagkakaisa at mas matatag na bansa.
Kahit patapos na ang termino ng ating mahal na Pangulong Duterte, walang tigil pa rin ang ating serbisyo at pagmamalasakit sa kapwa. Sa natitirang mga buwan ng administrasyong ito, sisikapin nating paigtingin pang lalo ang mga programa ng gobyerno para mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga Pilipino at ang susunod na henerasyon.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments