ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Oct. 18, 2024
Photo: Cristy Fermin, Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta / ONE PH, Circulated
Noong nagsisimula pa lang kaming maging reporter ay isa si Nanay Cristy Fermin sa mga nagbukas ng pinto para bigyan kami ng espasyo sa Mariposa Publications at ipinakilala kami sa mga editor na may hawak ng limang magazines na lumalabas mula Lunes hanggang Biyernes.
Nasanay kaming si ‘Nay Cristy ang takbuhan kapag may mga problema kasi nga ‘nanay’ siya ng lahat, kaya pati pamilya namin ay tinitingala siya.
Tingin namin lagi kay ‘Nay Cristy ay problem solver lalo na pagdating sa trabaho, matatag, matigas, pero may malambot na puso.
Kaya masakit sa kalooban namin kapag nakikita namin siyang lumuha sa isang bagay na may kinalaman sa trabaho dahil para sa amin ay trabaho lang ito, bakit may personalan?
Anyway, nagulat kami nang mapanood namin ang Cristy Ferminute (CFM) kahapon, Huwebes, na ibinalita ni ‘Nay Cristy na natalo siya (hindi kasama sina Wendell Alvarez at Romel Chika) sa kasong libel na isinampa ng mag-asawang Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan at Sharon Cuneta sa Makati City.
Kamakailan lang ay masayang ibinalita ng CFM host na panalo sila sa cyberlibel case na isinampa ng magulang ni Sarah Lahbati na sina Ginoong Abdel at Ginang Esther Lahbati sa Quezon City.
Pero totoo talaga ang kasabihang may kakambal na lungkot ang saya at heto nga ang malungkot, sasampa sa korte ang 5 counts of libel nina ex-Sen. Kiko at Sharon laban sa Showbiz Now Na host.
Bungad ni ‘Nay Cristy, “Ako naman po ay bukas ang aking libro ng buhay sa inyo kapag may saya, may lungkot. ‘Pag may magandang balita, meron ding nagaganap na hindi gusto natin. Sinampahan po kami ng kasong libelo ng mag-asawang dating Senador Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta.”
At binasa ni ‘Nay Cristy ang mga episodes na inireklamo siya, “‘KC ayaw na ng drama’; ‘Mega may favoritism’; ‘Palusot ni Sharon, buking’; ‘Diary nina Sharon at Kris Aquino, social media’; ‘Sharon Cuneta, problemado talaga’; at ‘Sharon at KC, sayang na relasyon.’
“Ito po ‘yung mga isinampang kasong libelo sa akin. Kami naman po ni Atty. Shirley Tabangcura ay humanap ng aming mga depensa, depensa dahil sila ay pampublikong pigura ay inilatag po namin ang aming mga dahilan at katwiran. Pero sabi ko nga po, hindi lahat ng panahon na ang ating gusto ay natutupad.
“Natalo po ako sa kasong libelo na isinampa nina dating Senador Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta, five counts po ito sa piskalya ng Makati. Ito po ay pinirmahan ni Senior Assistant City Prosecutor Rafael Rodrigo Esguerra at recommending approval naman po ng dalawang city prosecutor po ang pumirma.
“Ang amin lamang po ay hindi lang naman ngayon ang laban, ito po ay sa piskalya pa lamang, sa mga nag-aalala po, nalulungkot at ‘ika nga ay nakikisimpatya sa inyong lingkod, ‘wag po. Unang hakbang pa lamang po ito sa piskalya, aakyat po ito ngayon sa RTC Makati, kung anuman po ang maganap sa pagdinig dito, meron pa po tayong Court of Appeals at ‘pag hindi po natin nakuha ang tagumpay ay meron pa pong kataas-taasang hukuman, ang Supreme Court.”
Pinasalamatan lahat ni ‘Nay Cristy ang kanyang CFMers na naging bala niya sa lahat ng laban at ang mahalaga ay hindi pa ito ang katapusan ng lahat.
“Ang laban po ay hindi natin uurungan at tayo ay patuloy na maniniwala na lahat ng tao ay mayroon pong dahilan at katwiran sa kanilang ipinaglalaban,” diin ni ‘Nay Cristy.
Samantala, ang galing bumalanse ni God dahil pagkatapos ng malungkot na balita ni ‘Nay Cristy ay heto at binigyan naman siya ng magandang balita na ibinahagi niya sa lahat ng sumusubaybay ng CFM na napapakinggan sa 92.3 Radyo5 True FM na bibigyan siya ng parangal ng GEMS na isang award-giving body that recognizes outstanding achievements in the fields of PRINT, STAGE, RADIO, TELEVISION, and FILM.
Aniya, “Ako’y emosyonal at malungkot at katatanggap ko lang nito (dokumento) kaninang umaga (kahapon), sulat mula sa GEMS Hiyas ng Sining na binubuo po ng educators, mentors and students. Mahigpit po ang pamimili nila sa kanilang pinararangalan.
“Sa SNN po ako kinasuhan ng mag-asawang Pangilinan, ito naman ang nilalaman ng resulta ng GEMS, Best Digital Program Host and Entertainment Human Interest and Variety, Cristy S. Fermin- Showbiz Now Na.
“Sa pamunuan po ng GEMS, maraming-maraming salamat po sa inyo! Ito ang tinatawag natin na ang tadhana ay napakabilis gumamot ng sugat, ang aking lugmok na kalooban, nagbigay sila kaagad ng parangal na ikagagalak naman po ng aking puso. Maraming salamat, GEMS.”
Dagdag pang sinabi ni ‘Nay Cristy na noong natalo siya sa mga kaso niyang libelo rin noong araw ay P10,000 lang ang bail, ngayon daw ay P48,000 na kaya sa limang counts ay kulang sa P250,000.
“Tumaas na ang inflation, kaya sa mga may kasong libelo, paghandaan n’yo na ito,” payo ni ‘Nay Cristy.
Sabi nga ng aming Nanay Cristy Fermin, tuloy ang laban, walang susuko, at yes, suportado ka po namin sa lahat ng laban mo, ‘Nay!
Comments