Talo pa sina Vilma at Nora, may Hawi Boys… ALDEN, NILAYASAN NG PRESS PEOPLE SA PRESSCON
- BULGAR
- Apr 26, 2023
- 3 min read
Updated: Apr 28, 2023
ni Janiz Navida @Showbiz Special | April 26, 2023

Four years pala ang hinintay ni Ms. Glenda ng Brilliant Skin Essentials para lang makuhang endorser ang ultimate crush niyang si Alden Richards at ngayon nga, nangyari na ito finally dahil kahapon, pumirma na si Alden ng two-year contract para maging bahagi ng local beauty and cosmetics brand.
Walang pagsidlan ng tuwa si Ms. Glenda dahil noon nga ay fan lang siya ni Alden pero ngayon, "partners" na sila sa pagpapakilala ng Brilliant Skin Essentials products.
Sabi naman ni Alden, hindi raw talaga siya vain na tao pero dahil kailangan sa kanyang trabaho, nakita na rin niya ang importance ng beauty products tulad ng Sunscreen Gel-Cream SPF 30 na paborito niyang gamitin tuwing nagsu-shoot siya sa labas at mainit.
Bawal nga namang masira ang kanyang skin lalo't puhunan niya ito sa pag-aartista.
Tinanong namin si Ms. Glenda kung ano'ng brilliant qualities ni Alden ang nagustuhan niya para kuning endorser, at sabi ng 26-year-old CEO, ang mabuting puso at pagiging generous ni Alden ang hinahangaan niya rito.
True naman at sang-ayon kami d'yan dahil mula pa nu'ng unang makilala namin si Alden, hindi namin naramdaman sa kanya ang pagkakaroon ng ere. Nananatiling humble ito at magalang sa lahat.

Kaya nalungkot kami sa nangyari kahapon pagkatapos ng Q&A sa presscon ng Brilliant Skin Essentials.
Hindi kasi nagustuhan ng mga kasamahan naming press people at maging kami rin mismo ang naging treatment sa amin ng mga 'Hawi Boys' ni Alden.
Maayos kaming lumapit kina Ms. Glenda at Alden after ng Q&A para sa nakasanayan nang one-on-one chikahan-interview with the stars.
Hindi pa man kami nakakapagbato ng mga tanong ay hinawi na kami ng mga Hawi Boys ni Alden para 'wag na itong malapitan at tanungin pa.
Sinubukan naming magtanong ng ilang questions kay Alden at sinikap naman nitong sagutin pero patuloy sa paghatak ang mga Hawi Boys na kung saan dadalhin si Alden ay 'di na namin alam.
Nakakalungkot lang isipin na dahil ba sikat na ngayon si Alden ay hindi na siya puwedeng makausap ng press, gayung nu'ng wala pa naman siyang pangalan ay pinagtiyagaan din siyang kausapin ng mga reporters at binigyan ng espasyo sa mga pahayagan kahit wala pang tiyak na magbabasa ng mga artikulo tungkol sa kanya?
Kaya hindi namin masisisi ang mga kasamahan namin kung dismayado mang naglayasan sa presscon ni Alden at may mga narinig nga kaming komento na tinalo pa raw ni Alden sina Vilma Santos at Nora Aunor na umabot sa estado ng pagiging Star for All Seasons at Superstar pero maayos na pinagbibigyan ang mga press na gustong mag-interview sa kanila at walang Hawi Boys na pumipigil para sila ay malapitan.
Well, ang masakit lang nito, maganda man ang pagtrato ni Alden sa press people at sa ibang tao, kapag may mga nakapaligid namang 'anay' sa kanya, siya pa rin bilang pundasyon ang masisira sa bandang huli.
Maagapan sana.
Xian, graduate na sa pagiging ham actor

Abot-tenga ang mga ngiti ni Xian Lim dahil sa kaliwa't kanang pagbati ng mga nakapanood sa premiere night ng Sa Muli movie nila ni Ryza Cenon na mula sa direksiyon ni Fifth Solomon na ginanap last Monday night (April 24) sa SM Cinema 3.
Pinalakpakan din ang ending ng movie bagama't may mga lumabas na mugto ang mga mata sa kaiiyak.
Maganda ang istorya ng Sa Muli na kung 'di kami nagkakamali ay likha rin ni Direk Fifth na naniniwala sa reincarnation at pag-ibig na wagas na puwedeng mabuhay daanglibong taon man ang lumipas.
Ngayon lang uli namin napanood si Xian sa mga drama scenes at in fairness, hindi na nga pilit ang kanyang acting at masasabing graduate na talaga siya sa pagiging ham actor.
Na-bother lang kami sa pagmumura niya sa movie na sana ay hindi naman ika-turn-off ng mga fans niya at unawaing dahil lang 'yun sa eksena.
May chemistry din sila ni Ryza Cenon kahit pa sinabi nila noon sa presscon na pareho silang introvert in real life. 'Di nahalata 'yun sa movie dahil mukhang sobrang komportable naman nila sa isa't isa.
Comedy relief naman ang hatid ni Candy Pangilinan na kahit konti lang ang eksena sa movie, mapapangiti ang moviegoers sa mga hirit niya.
Magaling din si Marissa Sanchez at nakakatakot ang role bilang ina ni Aurora (Ryza).
Showing na ngayong April 26 sa mga cinemas nationwide ang Sa Muli na mula sa Viva Films.
At tulad ng wish ni Direk Fifth, sana'y bigyan nga ng chance ng moviegoers na mapanood ang kanyang pelikula dahil nagbibigay ito ng pag-asa lalo na sa mga hopeless romantic na tulad namin.





Comments