top of page

Talas sa 3 puntos nina Curry at Ionescu masusubok

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 31, 2024
  • 2 min read

ni Anthony Servinio @Sports | January 31, 2024




Matutuloy na ang patalasan ng kamay sa 3-points sa pagitan nina Stephen Curry ng Golden State Warriors at Sabrina Ionescu ng New York Liberty sa pinakaunang “NBA vs. WNBA 3-Point Challenge” bilang bahagi ng 2024 All-Star Weekend ngayong Pebrero 18, petsa sa Pilipinas sa Lucas Oil Stadium.  


Ito ay matapos magpalitan ng hamon ang dalawang superstar sa social media nitong Enero lang.  Parehong patakaran ang gagamitin kung saan may 27 bola na may halagang tig-isa hanggang tig-tatlong puntos.  Ang pinagkaiba lang ngayon ay titira si Curry sa linya ng NBA na 23 talampakan at 9 na pulgada kumpara kay Ionescu na titira sa linya ng WNBA na mas malapit na 22 talampakan at 1.75 pulgada.

 

       Gagamit din ng sariling bola kung saan mas magaan ang bola ng WNBA at may laking 27.5 pulgada kumpara sa 28.5 sa NBA.  Inihayag ni Ionescu na handa siyang tumira mula sa linya ng NBA.


Nagsimula ang debate noong nagtala si Ionescu ng 37 mula sa ipinasok na 25 sa 27 bola para koronahan ang sarili bilang kampeon sa 2023 WNBA Three-Point Shootout noong Hulyo.  Malayo ito kumpara sa marka na unang naabot ni Curry noong 2021 at pinantayan ni Tyrese Haliburton noong 2023. 


        Sa huli, lalabas na ang pinakamalaking magwawagi ay ang kawanggawa.  Tatanggap ang Eat.Learn.Play ni Curry at SI20 Foundation ni Ionescu ng donasyon habang daragdagan ito ng State Farm at NBA Foundation ng $1,000 bawat regular na bola, $2,000 bawat Money Ball at $3,000 bawat Starry Range Ball. 


       Nagpatikim kahapon ng kanyang kakayahan si Curry at pumukol ng walong tres patungong 37 puntos at wagi ang Warriors sa Philadelphia 76ers, 119-107.  Walo rin ang sunod na tagumpay ng New York Knicks at iniligpit si Jordan Clarkson at Utah Jazz, 118-103, tampok ang siyam na tres para 33 ni Donte DiVincenzo. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page