Talamak na bentahan ng mga pekeng gamot sa bansa, talupan!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 23, 2022
Kung dati-rati ay mga ordinaryong sindikato lamang na nakikipagsabwatan sa ilang tiwaling kawani ng Bureau Of Customs (BOC) ang dahilan nang pagkalat ng mga pekeng gamot sa bansa ay hindi na ngayon dahil itinuturing na itong napakalaking negosyo.
Hindi ba’t kamakailan lamang ay isang bodega sa Binondo, Manila ang sinalakay ng operatiba ng pamahalaan at kahun-kahong pekeng paracetamol ang nakumpiska sa kasagsagan nang nagkakaubusan ng paracetamol sa mga botika dahil sa pananalasa ng Omicron variant?
Ngayon, hindi lang paracetamol o ordinaryong gamot ang pinipeke at ibinibenta sa mas murang halaga dahil halos lahat ng kilala at pangunahing gamot sa bansa ay may mga pekeng bersiyon na, na lubhang napakadelikado dahil sa posible itong ikamatay ng kung sinumang gagamit nito.
Kaya maganda na napukaw na ang atensiyon ng pamahalaan hinggil dito dahil hindi na ito ordinaryong grupo na basta lamang nagpapalusot ng mga pekeng gamot sa bansa dahil may malalaking negosyante na nasa likod nito na sadyang namumuhunan para sa milyong operasyon ng industriya ng pekeng gamot.
Lantaran ang bentahan ng mga pekeng gamot online na dahil kamukhang-kamukha ng orihinal ay marami ang nabibiktima at maraming bodega sa Binondo, Manila ang dati-rati ay mga pekeng gamit lamang ang itinatago ngunit ngayon ay luminya na sa pekeng gamot na mas malaki umano ang kita.
Kaya mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay galit na galit na inatasan ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na tugisin ang mga negosyanteng dumami na dahil sa malaki ang kita sa bentahan ng pekeng gamot.
Isa nga sa mga tumugon ay ang Food and Drug Administration (FDA) at umabot na sa kabuuang 371 online posts selling drugs ang kanilang nasakote habang 78 tindahan ang naaktuhang nagbibenta ng gamot na mariing ipinagbabawal rin ng batas.
Ayon sa FDA, nasa 2,202 links sa drug products na ipinagbibili sa Facebook at iba pang selling platforms, tulad ng Lazada at Shopee ang kanilang natukoy at napigilan simula pa noong taong 2020 at 1,642 sa mga ito ang tuluyan nang tinanggal.
Sa ngayon ay patuloy pa rin umano ang isinasagawang monitoring ng FDA at sa katunayan ay may panibago umanong 371 links ang kanilang tinanggal sa mga kilalang selling platform nito lamang buwan na ito na ibig sabihin ay paulit-ulit at pabalik-balik ang mga salarin.
Sa 185 sari-sari store na iniimbestigahan dahil hindi awtorisadong pagbebenta ng gamot ay 78 sa mga ito ang napatunayang lumalabag sa batas at umabot sa 13 pekeng gamot ang narekober sa mga ito na karaniwan ay gamot sa COVID-19.
Ang mga variety store na nagbebenta ng gamot ay tahasang nilalabag ang Pharmacy Law at ang FDA Act of 2009, habang ‘yung mga nag-aalok o nagbibenta ng pekeng gamot ay lantarang nilalabag naman ang Special Law on Counterfeit Drugs.
Kaya nga ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay nanawagan sa publiko na huwag nang bibili ng gamot sa mga sari-sari store dahil sa wala silang kakayahan sa pagdetermina kung tunay o peke ang ipinagbibili nilang gamot.
Karaniwan sa mga sari-sari store, lalo na ‘yung medyo maliliit ay inaalok lamang ng mga naglilibot na ahente ng pekeng gamot kaya maging sila rin ay biktima at karaniwan sa mga tindahang ito ay nasa malalayong probinsiya.
Ibig sabihin, kung magpapatuloy ang operasyon ng mga negosyanteng walang pakialam sa buhay ng ibang tao basta kumita lamang ng salapi ay nasa delikadong kalagayan ang mga kababayan natin bibili at gagamit ng pekeng gamot dahil hindi naman sila gagaling sa kanilang karamdaman.
Mariin ang bilin ni Pangulong Duterte sa FDA, sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na dapat ay mapanagot kung sinuman ang nasa likod ng pagpapakalat ng mga pekeng gamot sa bansa.
Marahil, panahon na para sa Local Government Unit (LGU) na bigyang-pansin ang problemang ito at malaking tulong kung agad na makapagpapasa ng ordinansa na nagbabawal sa mga sari-sari store na magbenta ng gamot maliban sa lehitimong botika.
May isang insidente rin sa Pasay City, na isang matandang lalaki ang binawian ng buhay sa loob mismo ng drive-in hotel matapos biglang sumikip ang dibdib sa harap mismo ng kanyang kasamang babae dahil sa pag-inom ng male enhancement pills na nabili lamang online.
Kaya habang abala ang pamahalaan sa pagtugis sa mga nagbebenta ng pekeng gamot ay dapat sabayan din ng pag-iingat ng publiko at huwag bibili ng gamot kahit saan maliban na lamang sa mga lehitimong drug store.
Habang binabasa n’yo ang artikulong ito ay kasalukuyang nagkalat sa kahabaan ng Avenida at mga iskinita sa Quiapo hindi lang ang mga pekeng gamot dahil maging ang mga pekeng cosmetics na pampaputi ay mabibili sa murang halaga.
Kasama ng mga pekeng gamot at beauty products ay lantarang naka-display din sa bangketa ang mga sex gadget na may ilang puwesto na mga batang paslit at babae pa ang nagbabantay!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments