top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tagumpay na relief ops sa Nueva Ecija

BULGAR
Oct 5, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 5, 2022


Matapos manalasa ang Bagyong Karding ay nagdeklara ang lalawigan ng Nueva Ecija ng state of calamity makaraang makaranas ng grabeng epekto sa iba’t ibang bayan na nawasak ang mga kabahayan at mga pananim.


Ayon sa Resolution No. 82-S-2022, ang tanggapan ng Sangguniang Panlalawigan ang nagpahayag na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMc) ang siyang nagrekomenda na magdeklara ng state of calamity.


Ito ay dahil napakalawak nang pagkasira hindi lang ng maraming bahay kung hindi ang pagkawasak ng maraming pananim at may mga nawalan ng kabuhayan o hanapbuhay dahil sa hagupit ng Bagyong Karding.


Hindi lang malakas na bugso ng hangin ang dinanas ng buong lalawigan dahil nagkaroon din ng malawakang pagbaha nang humataw na ang bagyo dahilan para hindi madaanan ang dalawang kalye.


Nakabagal pa sa pagkilos ng mga taga-Nueva Ecija ang pagkakaputol ng supply ng kuryente sa maraming bayan na lalo pang nagpalala sa sitwasyon dahil naapektuhan din ang pamahalaan sa pagtulong sa mga nasa peligro nilang kababayan.


Dahil sa deklarasyon ng state of calamity sa buong lalawigan ng Nueva Ecija, ang calamity fund ng buong probinsya at ng mga lokal na pamahalaan ay mabilis na maitutugon sa pangangailangan ng mga kababayan natin nasalanta ng bagyo.


Maging ang Sangguniang Panlalawigan ay hindi nagpatumpik-tumpik pa sa rekomendasyon ng PDRRMC na ideklara na ang state of calamity dahil kitang-kita naman ang sitwasyon kung paano naapektuhan ang buong lalawigan.


Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay naglabas din ng datos na umabot umano sa 52,000 indibidwal ang nagsilikas sa kani-kanilang lugar dahil nasira ang mga tahanan na hindi nakaligtas sa hagupit ng bagyo.


Kailangan ding bigyang-prayoridad ang sektor ng agrikultura sa naturang lalawigan dahil marami sa kanila ang nawalan ng kabuhayan dahil sa pagkasira ng kanilang mga pananim na nakatakda sanang anihin, ngunit hindi na umabot.


Kaya pagkatapos naming mamahagi ng tulong sa Polillo Island, kasama ang aking staff ay agad naming isinunod ang lalawigan ng Nueva Ecija noong nakaraang araw ng Linggo at nagdala kami ng maraming relief goods.


Dumating kami sa San Antonio ng naturang lalawigan bandang alas-8: 00 ng umaga at agad kaming sinalubong ni Mayor Arvin Salonga na siyang nakipagtulungan sa pamamahagi namin ng kahun-kahong food packs na isinagawa sa Municipal Gymnasium.


Nakakatuwa dahil sa kabila ng kanilang kalagayan ay nakuha pang ngumiti ng ating mga kababayan habang nakapila sa ipinamamahagi nating ayuda at napakarami ng mga nagsidalo.


Bandang alas-9: 00 ng umaga ay nagtungo naman kami sa bayan ng Jaen at sinalubong naman kami ni Mayor Sylvia Austria, na kasama naming namahagi ng relief goods sa mga taong dumagsa rin sa Municipal Gymnasium ng naturang bayan.


Alas-10: 00 ng umaga ay tumawid naman kami sa Gapan City na punung-puno ng mga tao ang cityhall gymnasium sa pangunguna ni Congressman Emeng Pascual at doon ay namigay din kami ng kahun-kahong food packs.


Pasado alas-11: 00 na ng tanghali nang kumain kami ng tanghalian kasama ang aking staff bago kami nagtungo ng San Leonardo bandang alas-12: 00 ng tanghali at sinalubong naman kami ni Mayor Elan Nagano at sama-sama kaming namahagi ng relief goods sa mga tao na nagtipun-tipon sa kanilang municipal gymnasium.


Ala-1: 00 ng hapon ay nagtungo naman kami sa bahay ni Governor Oyle Umali sa Bgy. Soledad, Sta Rosa, Nueva Ecija at kasama niyang naghihintay si Vice-Governor Doc Anthony Umali at nagdala rin kami ng ipamamahagi pang kahun-kahon ng food packs.


Sa dami ng mga bibigyan pa ay hindi na namin kakayaning puntahan lahat kaya minabuti na naming magbagsak ng relief goods sa bahay ng Nueva Ecija Governor para sila na ang mamahagi sa iba pang lugar na apektado ng bagyo.


Bandang alas-2: 00 ng hapon ay nagtungo naman kami sa Cabanatuan Cityhall at doon ay nawala ang aking pagod dahil sa dami ng mga taong naghihintay sa amin sa pangunguna naman ng kanilang Mayor na si Myka Vergara.


Paulit-ulit na isinisigaw ang “Bong Revilla” ng mga nagsidalo habang abala kami sa pamamahagi ng relief goods at dito kami medyo nagtagal hanggang sa magdesisyon na kaming magsiuwi dahil baka abutin na kami ng dilim.


Ngayong araw, Oktubre 5 ay nakatakda naman kaming mamahagi ng tulong sa San Miguel, Bulacan dahil isa rin ito sa grabeng sinalanta ng Bagyong Karding.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page