Tagumpay at pag-asang hatid ng 4Ps
- BULGAR
- Jun 20, 2021
- 2 min read
Updated: Jun 21, 2021
ni Leila De Lima - @Laban lang | June 20, 2021
Sa nakaraang dalawang episodes ng ACRONYMS: Work from Prison (WFP), na napapanood tuwing Martes ng gabi, sa ating official Facebook page (leiladelimaofficial), naging tema ang 4Ps Act, o ‘yung “Institutionalization of Pantawid Pamilyang Pilipino Program.”
Sa pamumuno ng inyong lingkod bilang Chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, naipasa bilang ganap nang batas ang pagpapatatag ng 4Ps. Ibig sabihin, kahit magpalit man ng administrasyon, mananatili ang implementasyon ng programa.
Sa ngayon, nasa 4.4 milyong pamilya na ang benepisaryo ng 4Ps, o halos ikalima ng ating populasyon. Ayon kay dating DSWD Secretary Dinky Soliman, na naging guest sa Episode 4 ng WFP, malaki ang naitutulong nito para makalampas sa poverty line o maiangat ang buhay ng mahihirap na pamilyang Pilipino.
Ayon sa datos ng DSWD, daan-daang libo nang mag-aaral na benepisaryo ng 4Ps ang nakapagtapos at nagkatrabaho, at sila na ngayon ay nakatutulong sa kani-kanilang pamilya.
Pero hindi natin inaasahan ang krisis na dulot ng COVID-19. Dahil sa pandemya, marami sa ating mga kababayan ang napasama sa tinatawag na “new poor” dahil nawalan ng trabaho at pagkakakitaan.
Sa mga ganitong panahon, nakikita ang halaga ng pagbibigay-suporta at ayuda sa mga nangangailangan tulad ng 4Ps. Malinaw na hindi ito limos o dole out lang, kundi investment at pagbibigay ng kakayahan sa mga kapus-palad na dumaraan sa mahigpit na pagsubok dahil sa labis na kahirapan o matinding sakuna.
Ito ang ibinahaging kuwento ni Jeana Catacio, Presidente ng Samahan ng Nagkakaisang Pamilya ng Pantawid (SNPP), na nagsilbing katuwang natin sa pagsasabatas ng 4Ps.
Ibinahagi niya sa Episode 5 ng WFP ang pinagdaanan nilang pagsubok nang nawalan ng trabaho ang kanyang asawa dahil nagsara ang pinapasukan nitong kumpanya. Nangamba siya kung paano na matutustusan ang pangangailangan ng pamilya, lalo na ng kanyang tatlong anak.
Laking pasasalamat ni Jeana nang natanggap siyang benepisaryo ng 4Ps, kung saan nakatanggap siya ng cash grant alinsunod sa mga kondisyon na inilatag ng programa tulad ng pagpapaaral at pagsiguro sa kalusugan ng mga anak, pati na ang pagdalo sa mga family development session tungkol sa pagiging aktibong mamamayan.
Ang kuwento ni Jeana ay isa lamang sa milyun-milyong kuwento ng tagumpay ng 4Ps. Taliwas ito sa sinasabi ng ilan na nagiging tamad ang mga benepisaryo dahil nag-aabang lang ng mga benepisyo, dahil mas nagiging masigasig pa sila na makaahon sa kahirapan dulot ng pag-asang hatid ng programa. Kuwento pa ni Jeana at ayon na rin sa datos ng DSWD, marami sa mga graduate na bahagi ng 4Ps ay honor students!
Ang mga tulad ni Jeana, at ng marami pa nating kababayang natutulungan ng 4Ps ang inspirasyon sa pagsusulong ng iba pang mahahalagang batas para makatulong sa mahihirap nating kababayan.
Kaya tuloy lang tayo sa pagtutulungan. Laban lang!




Comments