top of page
Search
BULGAR

Tagal ng bisa ng search warrant at warrant of arrest

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Sep. 19, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Mayroon akong katanungan tungkol sa warrant of arrest na natanggap ng aking kapatid.  Gusto ko sanang kuwestiyunin ang bisa nito sapagkat ito ay may petsa na 03 Marso 2022 o mahigit dalawang taon na ang nakalipas. Nabasa at napag-alaman ko na ang search warrant at warrant of arrest ay mayroon lamang bisa na 10 araw mula sa pagkatanggap ng awtorisadong opisyal na magpapatupad nito. Ngunit bakit ginamit pa rin nila ang warrant of arrest sa aking kapatid kahit paso na ito? Maaari niyo bang bigyang linaw ito? Salamat. — Franklyn

 

Dear Franklyn,


Mahalagang malaman ang tagal ng bisa ng search warrant at warrant of arrest dahil ito ay naglalayong protektahan ang karapatan ng mga mamamayan laban sa pang-aabuso at paglabag sa batas. Ang karapatan ng mga tao na maging ligtas sa kanilang mga katawan, tahanan, mga papel, at ari-arian laban sa hindi makatarungang paghahanap at pag-aresto ng anumang uri at para sa anumang layunin ay hindi dapat labagin. Walang search warrant o warrant of arrest na dapat iisyu maliban kung mayroong sapat na dahilan o probable cause na natukoy ng isang hukom, o iba pang opisyal na awtorisado ng batas, matapos ang pagsusuri sa ilalim ng panunumpa o pagpapatotoo ng nagrereklamo at ng mga testigo na maaaring ilabas niya, at detalyadong paglalarawan ng lugar na dapat halughugin, at ng mga tao o bagay na dapat arestuhin o kunin.  Ito ay nakasaad sa Artikulo 3, Seksyon 2 ng 1987 Constitution of the Philippines:  


Sec. 2. The right of the people to be secure in their persons, houses, papers, and effects against unreasonable searches and seizures of whatever nature and for any purpose shall not be violated, and no search warrant or warrant of arrest shall issue except upon probable cause to be determined by the judge, or such other responsible officer as may be authorized by law, after examination under oath or affirmation of the complainant and the witnesses he may produce, and particularly describing the place to be searched, and the persons or things to be seized.”


Sa pamamagitan ng pagtatakda ng search warrant, napipigilan ang mga walang batayang paghalughog ng lugar at pagkumpiska ng gamit na maaaring magresulta sa paglabag sa mga karapatang pantao ng mga mamamayan. Layunin nitong mapanatili ang integridad ng proseso ng katarungan at maprotektahan ang mga karapatan ng bawat mamamayan laban sa anumang pang-aabuso. 


Samantala, ang warrant of arrest naman ay isang mahalagang instrumento sa sistema ng batas ng ating bansa na naglalayong mapanatili ang kahusayan, integridad, at paggalang sa mga karapatan ng mga mamamayan habang pinapanatili ang seguridad at kaayusan sa lipunan. Tinitiyak nito na ang pag-aresto ng isang indibidwal ay ginagawa sa legal na paraan at may sapat na batayan.


Para sa iyong kaalaman, ang isang search warrant ay dapat gamitin sa loob lamang ng 10 araw mula sa petsa ng pagkaisyu nito. Pagkatapos ng 10 araw, hindi na ito maaaring magamit at wala na itong bisa. Partikular itong nakasaad sa Seksyon 10, Rule 126 ng Rules of Court:


Section 10. Validity of search warrant. — A search warrant shall be valid for ten (10) days from its date. Thereafter it shall be void.”


Para naman sa iyong katanungan, hindi gaya ng search warrant, walang pirming tagal ng bisa ang warrant of arrest. Ito ay nananatiling mabisa hanggang sa matagpuan at maaresto ang indibidwal na nasasakdal. Ang pinuno ng tanggapan kung saan pinadala ang warrant of arrest ay dapat itong ipatupad sa loob ng 10 araw mula sa pagkatanggap nito. Pagkalipas ng 10 araw, ang opisyal na inutusan para magpatupad nito ay dapat gumawa ng ulat sa hukom na nag-isyu ng warrant of arrest. Kung sakaling hindi ito napatupad, dapat niya ring isama sa ulat ang mga dahilan. Ito ay matatagpuan sa Seksyon 4, Rule 113 ng Rules of Court:


Section 4. Execution of warrant. — The head of the office to whom the warrant of arrest was delivered for execution shall cause the warrant to be executed within ten (10) days from its receipt. Within ten (10) days after the expiration of the period, the officer to whom it was assigned for execution shall make a report to the judge who issued the warrant.  In case of his failure to execute the warrant, he shall state the reasons therefor.”


Ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong People vs. Givera, G.R. No. 132159, January 18, 2001, sa panulat ni Honorable Associate Justice Vicente V. Mendoza, ang warrant of arrest ay mananatiling may bisa hangga’t hindi ito napatutupad o binabawi ng korte. Ang 10 araw na nakasaad sa Seksyon 4, Rule 113 ng Rules of Court ay direktiba lamang sa opisyal na inutusang magpatupad ng warrant of arrest na bumalik sa hukom at mag-ulat. Partikular na ipinaliwanag sa nasabing kaso ang bisa ng warrant of arrest:


However, as the records show, the warrant of arrest was returned unserved by the arresting officer on June 7, 1995 as accused-appellant could not be found.  He was finally found only on May 4, 1996. Now, no alias warrant of arrest is needed to make the arrest. Unless specifically provided in the warrant, the same remains enforceable until it is executed, recalled or quashed.  The ten-day period provided in Sec. 4, Rule 113 of the Rules of Court is only a directive to the officer executing the warrant to make a return to the court.”


Sa sitwasyong iyong nabanggit, ang warrant of arrest ng iyong kapatid ay may petsa na 03 Marso 2022.  Gayunpaman, ito ay nanatiling may bisa hangga’t hindi ito napatutupad o binabawi ng korte. Ang 10 araw na nakasaad sa batas ay direktiba lamang sa opisyal na inutusang magpatupad nito na bumalik sa hukom at mag-ulat sa isinagawang paghuli ng taong nasa warrant of arrest. Kaya naman, maaari pa ring gamitin ng ating kapulisan ang nasabing warrant of arrest bilang batayan ng pag-aresto sa iyong kapatid.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page