top of page

Taga-gobyerno na humihingi at tumatanggap ng suhol, kulong!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 30, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | November 30, 2023


Hindi na bago sa publiko na may mga naiuulat na empleyado ng gobyerno na nasasangkot sa panunuhol o bribery, at hindi tumitigil hangga’t hindi nahuhuli.


Ito ang nangyari sa isang empleyado ng Pasig City Hall kung saan, nanghingi at tumanggap umano ng P10,000 na suhol, kapalit ng pirma mula sa Office of the Building Official.


Sa naging talumpati ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Martes, habang streamed sa Facebook page ng Pasig News Update, ibinunyag niya na isang empleyado ng city hall ang nahuli at naaresto noong nakaraang linggo.


Ayon kay Sotto, humingi ito ng P15,000 at mukhang hindi first time itong ginawa. Ang totoo aniya, P10,000 na lang ang tinanggap ng empleyado dahil nakipagtawaran pa ito.


Inamin naman ni Sotto na personal niyang inirekomenda ang indibidwal na ito para sa isang posisyon sa city hall ngunit, iginiit niyang hindi niya kinukunsinti ang ganitong pag-uugali.


Binanggit pa ng mayor na kapag may ginawang krimen ay pasensya na dahil ilang taon na niyang winarningan ang mga empleyado ng city hall at hindi naman ito ang unang na-entrap at napakulong, pero tama na at dapat nang tumigil.


Pinaalalahanan din ni Sotto ang mga empleyado ng city hall sa kanyang layunin na i-de-normalize ang korupsiyon at i-institutionalize ang good governance sa kanilang lokal na pamahalaan.


Marami talagang mga taga-gobyerno na nadadawit sa ganitong klase ng ilegal na gawain.


Katwiran kasi ng ilan sa kanila ay hindi naman malalaman ito kung walang magsusumbong sa kanila.


Balewala na sa kanila na maaaring ang kanilang naloko ay kapitbahay, kakilala, kaibigan at residente sa kanilang lugar.


Dapat siguro, ikulong at pagmultahin ang mga empleyado ng gobyerno na mahuhuling nanunuhol o sangkot sa bribery para hindi makapag-isip ng masamang gawain.


Panawagan natin sa kinauukulan na sana ay mas tutukan at alamin n’yong mabuti ang lagay ng inyong mga empleyado. Kung sila ba ay naglilingkod ng maayos sa mga mamamayan na inyong nasasakupan.


Alalahanin natin na ang bawat empleyado ng gobyerno ay maituturing na repleksyon ng kanilang lider sa pagbibigay ng tapat na serbisyo sa taumbayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page