Tag-init na, tag-heatstroke na rin, ingat!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 21, 2022
Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang tag-init makaraang umabot sa 32.2 degree Celsius ang temperatura sa Sawangan Park, Legazpi City habang nasa 42 degree Celsius naman ang heat index sa buong siyudad.
Ayon sa PAGASA, mas asahan pa sa mga susunod na araw ang pagtaas ng temperatura hindi lang sa Legazpi City kundi sa malaking bahagi ng bansa dahil nagsimula na umano ang dry season at kailangan ng mga paghahanda hinggil dito.
Bukod sa PAGASA ay nagbigay din ng babala ang Department of Health (DOH) sa publiko na kailangan ng dobleng pag-iingat dahil sa nararanasan nating init ng panahon ay inaasahang tataas na naman ang kaso ng heatstroke sa bansa.
Ayon sa magkahalintulad na pahayag ng dalawang ahensiyang nabanggit, ang sobrang pagkakalantad umano sa araw ay maaaring humantong sa heatstroke na tulad noong nakaraang taon ay may mga nasawi dahil binalewala ang babalang ito.
Pinapayuhan ang publiko na sundin ang mga precautionary measures upang maibsan ang mga nararanasang stress at pinapayuhang magdala ng tubig kahit hindi lantad sa araw upang hindi makaligtaang uminom ng maraming tubig.
Sinabi naman ng PAGASA na bagamat tag-init na ay inaasahan pa rin ang northeast monsoon na magdadala ng malamig na hangin sa hilagang bahagi ng bansa ngayong buong linggo ngunit huwag natin ipagkamaling hindi ito parte ng tag-init.
Sa kasaysayan ng bansa, ang pinakamainit na temperatura na naitala nang dalawang ulit ay sa Tuguegarao City noong Abril 22, 1912 at May 11, 1969 na parehong umabot sa 42.2 degrees Celsius at hindi pa ito nalalampsan hanggang sa kasalukuyan.
Noong Mayo 14, 2021, sa ikatlong pagkakataon ay nag-set na naman ng record para sa pinakamataas na heat index ang Dagupan City na may temperaturang 37.4° C at ang halumigmig ay umabot sa 61% na nagresulta sa 53°C heat index.
Ang heat index ay ang aligaga o hindi maayos na pakiramdam ng isang tao na karaniwang tinatawag na ‘alinsangan’ na nagdudulot ng temperatura base sa nararamdaman ng isang tao sa kapaligiran.
Mabuti rin kung matutuloy na ang plano ng PAGASA na magkaroon ng color-coded warning na kahalintulad ng rainfall advisories upang mas madaling maintindihan ng publiko kung paano mag-iingat sa heat index.
Sa ngayon ay heatstroke ang pangunahing ipinagbibigay babala dahil sa ito ang pinaka-seryosong heat-related illness kapag hindi na makontrol ng isang indibidwal ang kanyang body temperature lalo na kung huminto na ang paglabas ng pawis at hindi na kayang pababain ang nararamdamang init.
Karaniwang nangyayari ang body overheating dahil sa sobrang pagkakalantad sa araw na humahantong sa heatstroke o iba pang seryosong heat injury at nararamdaman ito kung umabot na ang body temperature sa 104 F (40 C) o mas mataas pa.
Ang heatstroke ay nangangailangan ng emergency treatment dahil kung hindi agad ito maaagapan ay maaari nitong sirain o labis na maapektuhan ang ating utak, puso, kidney at muscles at mas malala pa kung maaantala pa ang pagtugon dahil puwedeng humantong sa kamatayan.
Bukod sa mataas na body temperature ay posible ring makitaan ng pagkalito, pagkautal, iritable, nagdedeliryo o may seizure ang isang inaatake na ng heatstroke at nakararanas din ito ng bahagyang panlalamig na minsan ay may kasama pang pagsusuka o pananakit ng sikmura.
Sa pagtaas ng body temperature ay posibleng magkaroon din ng pamumula ng balat, pagbilis at paghabol sa hininga kasabay ng biglang pagsakit ng ulo at pagbilis ng pintig ng pulso.
Kaya malaking bagay sa mga kababayan nating walang sariling sasakyan ang magsuot ng sumbrero, gumamit ng payong, magdala ng inuming tubig o higit sa lahat ay huwag magbilad sa init kung hindi rin lamang mahalagang-mahalaga ang pakay.
Mariing pinag-iingat ang mga senior citizen, may iba pang karamdaman at mga bata na huwag magbilad sa araw dahil mas mabilis silang makaranas ng heatstroke kumpara sa mga kababayan nating nasa tamang edad.
Makatutulong din ang pagsusuot ng mga komportableng damit upang hindi makaranas ng pagkairitable at hindi rin dapat na magtiwala kung tayo ay nananatili sa isang malilim na lugar dahil posibleng mainit naman ang kapaligiran dahil sa kawalan ng tamang bentelasyon ay posible ring atakihin ng heatstroke.
Iwasan din ang pag-inom ng tsaa, soda, alkohol at iba pang inumin na maaaring makapagpalapot ng inyong laway dahil isa rin ito sa maraming dahilan para pagsimulan ng heatstroke.
May mga insidente na ang isang indibidwal ay nakipag-inuman sa isang ligtas at malamig na lugar hanggang sa malasing ngunit nang ito ay pauwi na ay doon niya naramdaman ang maalinsangang kapaligiran at doon siya inatake ng heatstroke.
Kaya dobleng-ingat sa lahat at ‘yung mga palasing-lasing baka makalimutan n'yo na dry season na, baka mamaya huling inom n’yo na ‘yan, kaya ingat!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments