Taekwondo Jin ganapin, sasabak na sa Paralympics
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 1, 2021

Nasa Japan na si Taekwondo jin Allain Keanu Ganapin at kanyang coach Dindo Simpao para sa Tokyo 2020 Paralympics Taekwondo Tournament na magsisimula sa Setyembre 3 sa Makuhari Messe Hall B. Nakalista si Ganapin sa Under 75 kilos K44 at susubukan makamit ang unang medalya ng Pilipinas sa pandaigdigang palaro.
Ang Taekwondo kasama ang Badminton ang dalawang disiplina na ipinakikilala ngayong taon. Tanging ang kampeon sa Asian Qualifying Tournament sa Amman, Jordan noong Hunyo ang pasok agad sa Tokyo 2020 subalit binigyan pa rin ng imbitasyon si Ganapin.
Naging malaking tulong ang Taekwondo sa 23-anyos na si Ganapin upang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili at malampasan ang mga hamon sa buhay habang lumalaki sa Marikina City. Una niyang sinubukan mag-aral nito sa high school sa pagudyok ng mga kaibigan matapos tumanggap ng pagkukutya galing sa kanilang mga kamag-aral.
Samantala, kahapon dapat lalaro sa Standing Discus Throw F11 ang isa pang atletang Pinay na si Jeannette Aceveda subalit napilitan siyang umatras matapos masuring positibo noong isang araw kasama ang kanyang coach na si Bernard Buen. Nagtala ng bagong World Record at Paralympic Record si Zhang Liangmin ng Tsina sa 40.83 metro, mas malayo sa 40.42 na ibinato niya noong 2011 at 40.13 sa London 2012 Paralympics.
Nilampasan din ni Assunta Legnante ng Italya ang lumang Paralympic Record sa kanyang huling itsa na 40.25 para kunin ang pilak habang ang tanso ay kay Yesenia Maria Restrepo ng Colombia na 36.11. Kung ihahambing, 17.67 metro ang naitala ni Aceveda sa kanyang pagtatapos sa ika-anim na puwesto sa 2018 Asian Para Games sa Indonesia.
Dahil dito, lalong lumayo angTsina sa padamihan ng medalya na 55 ginto, 35 pilak at 30 tanso. Pangalawa ang Gran Britanya (27-21-22) at pangatlo ng Russian Paralympic Committee (21-11-33).
Walang laro ngayong Miyerkules ang mga kinatawan ng Pilipinas. Babalik sa aksyon si Gary Bejino ng Swimming bukas sa 400M Freestyle S6 simula 8:00 ng umaga sa Tokyo Aquatics Center.





Comments