top of page
Search
  • BULGAR

Tadtad ng katiwalian ang gobyerno, period!

ni Ka Ambo - @Bistado | April 21, 2021



Nagkukusa na ang mga sibilyan na magtulungan nang hindi inaasahan ang gobyerno.


Matagal na dapat ginagawa ‘yan!


◘◘◘


HINDI naman dapat talagang sumandal sa gobyerno.


Ang gobyerno ay tadtad ng katiwalian!


◘◘◘


MULA nang idikta ng mga dayuhan kung ano’ng klase ng gobyerno ang dapat ipairal sa Pilipinas, kakambal nito ang malawakang korupsiyon.


Kakambal ng demokratikong institusyon ang “malayang pagnanakaw” sa kaban ng bayan!


◘◘◘


ANG unang kinorup ng mga opisyal ng gobyerno ay ang “reparation fund” mula sa Japanese government.


Ito ay dambuhalang pondo katumbas ng “danyos perhuwisyo” sa pagkasira ng buong bansa kaugnay ng World War II.


Ninakaw ng mga nasa pamahalaan ang naturang pondo at hindi nauwi sa biktima ng digmaan!


◘◘◘


MULA sa antas ng barangay, munisipalidad, siyudad, rehiyon at nasyunal ay alam naman nating tadtad ng korupsiyon ang mga transaksiyon.


Alam ng lahat na ang imprastrukturang proyekto ay may kakambal na korupsiyon!


◘◘◘


ANG mga kontratista ay lihim na nagkakaloob ng “SOP” sa mga signatories sa kontrata.


Pero, ‘yan ay hindi sa kasalukuyang administrasyon lamang bagkus ay mula pa sa panahon ni Manuel L. Quezon!


◘◘◘


ANG pork barrel ay hindi isang klase ng “pondo” bagkus ito ay isang iskema ng korupsiyon kung saan ang mga “mambabatas” ay binibigyan ng oportunidad na magdesisyon kung anong proyekto o kung sinong kontratista ang kokopo sa proyekto.


Pinahihintulutan ng batas, na ang mga “lawmaker” ay makisawsaw sa trabaho ng ehekutibo—upang “makapagnakaw” ng pondo ng gobyerno!


◘◘◘


HANGGANG ngayon ang pork barrel system ay hindi iniaalis, dahil ito ay mistulang “tongpats” upang madiktahan ng sangay ehekutibo ang sangay ng lehislatura.


Isinasalegal ang “pork barrel system” upang sakaling makarating ang kaso sa hudikatura ay maabsuwelto ang mga buwaya!


◘◘◘


PAANO ka ngayon sasandal sa gobyernong tadtad ng katiwalian?


Kailangan ng mga sibilyan at ordinaryong tao na tulungan ang bawat isa, particular sa panahon ng pandemic.


Hindi korupsiyon ang mahalagang isyu ngayon, bagkus ay ang “mabuhay” sa panahon ng pananatili ni “Kamatayan” sa ating lansangan!


◘◘◘


KAILANGAN sagipin ng kapwa Filipino ang kapwa mamamayan nang hindi sasandal sa pamahalaan.


‘Yan ay epektibong iskema upang makasalba sa krisis sa ating henerasyon!


◘◘◘


PINAKAMAHALAGA ay mabuhay at makaligtas ang bawat isa sa karit ni Kamatayan ngayon.


Sa bandang huli na lamang natin hatulan kung sino ang dapat managot sa ating pagdarahop.


Iligtas muna natin ang ating sarili, nang hindi umaasa sa mga magnanakaw sa pamahalaan!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page