top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tablet at karagdagang subsidiya para sa mga estudyante

BULGAR
Jul 18, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 18, 2022


Hindi na natin kailangang balikan pa kung paano labis na naapektuhan ang ating bansa sa pakikipagdigma laban sa pandemya.


Malaking atensyon na naman ang inaagaw ng kasalukuyang sitwasyon dahil sa halip na tututukan na ng pamahalaan ang tuluy-tuloy na gawain para mas mapabilis pa ang paglago ng ating ekonomiya ay muli tayong inaagaw ng paghahanda laban sa posibleng pagtaas na naman ng kaso ng COVID-19.


Lalo pa at sa darating Agosto 22 ay muling bubuksan ang mga paaralan upang simulan na ang face-to-face classes. Batid natin na malaki rin ang ginagawang paghahanda ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) para maibalik sa normal ang pag-aaral ng kabataan, na matagal na nalimitahan ang pag-aaral dahil sa mga inimplementang protocols.


Noong kasagsagan ng pandemya ay sumailalim sa online learning ang mga estudyante at pangunahing naging problema ay ang kakapusan ng tablet at laptop ng mga mag-aaral, lalo na ‘yung mga malayo sa kabihasnan kung saan hindi readily accessible at available ang mga gadgets.


Kaya kung inyong matatandaan ay inilunsad natin ang Kaalaman Ating Palawakin (KAP) Amazing Gadget Giveaway at ilang ulit tayong namahagi ng laptop, cellphone at tablet hindi lang sa mga estudyante kung hindi maging sa mga teachers. Tinugunan nga ng inyong lingkod ang mga pakiusap at paglapit sa ating tanggapan ng mga mamamayang Pilipino na hikahos sa buhay, ngunit may masidhing layuning patuloy na makapag-aral.


Humigit-kumulang na 20,000 gadgets ang naipamahagi natin at libu-libong mag-aaral na Pilipino ang nakinabang at patuloy na nakasabay sa mga school demands at requirements. Subalit dahil sa sobrang dami ng mga nangangailangan ay hindi naman natin kakayaning bigyan lahat dahil sa personal na budget ang ginagamit natin dito at may ilan din tayong kaibigan na tumulong na nag-sponsor para maisakatuparan ang programa.


Mula noon hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin sa pagkatok sa ating tanggapan ang marami nating kababayan na tumatawag upang makahingi ng tulong sa pangagailangang na gagamitin sa pag-aaral, lalo na ngayong magbubukas na ang klase. Tiyak nga na sa pagbabalik-eskwela ng kabataang Pilipino ay mas dadami pa.


Ito ang naging dahilan kaya inihain natin na ang Senate Bill No. 258 na naglalayong mabigyan ng tablet ang bawat estudyante sa public school, state universities at colleges, upang masiguro na lahat ay magkakaroon.


Bunsod ng bilis ng sistema sa pag-aaral dulot ng makabagong teknolohiya ay na hindi na basta luho lamang ang paggamit ng tablet. Isa na itong matinding pangangailangan upang makasabay ang mga mag-aaral sa idinidikta ng panahon.


Nakapaloob sa ating panukala na kung sakaling maging ganap na batas ang “One Tablet, One Student Program” ay pangungunahan ng DepEd at CHED ang pamamahagi ng tablet computer sa bawat mag-aaral ng public elementary, secondary at tertiary schools.

Ang mga estudyante na mayroon namang sariling tablet ay hindi rin mapag-iiwanan dahil sila naman ay pagkakalooban ng educational assistance sa pamamagitan ng internet allowance upang makakuha ng maayos na serbisyo ng internet at hindi aasa lamang sa tingi-tinging koneksyon.


Hindi lang ‘yan, naghain din tayo sa Senado na maamyendahan ang umiiral na Republic Act NO. 10931 o ang ‘Universal Access to Quality Tertiary Education Act’ upang mapalawak pa ang Tertiary Education Subsidy ng pamahalaan.


Hangad nating mas mapalawak pa ang sakop ng Tertiary Education Subsidy na dati-rati ay gumagamit ng voucher system upang ang kuwalipikadong mag-aaral ay makapag-enroll sa pribadong higher educational institutions (HEIs) at technical-vocational institutions.


Kahalintulad ng ipinatutupad na voucher system ng Department of Education (DepED) ang tulong-pinansyal ay sa pamamagitan din ng voucher na ibibigay sa kuwalipikadong tertiary students o cash na direkteng ibabayad na sa pribadong HEIs.


Kasama na dapat itaas ang access ng mga kababayan nating mag-aaral sa tertiary education at maitaas ang ugnayan sa pagitan ng pampubliko at pribadong higher education institutions at technical-vocational education institutions.


Kung magiging ganap na batas ay malaki ang maitutulong nito na makamit at maipatupad ang probisyon sa pinakahuling Philippine Development Plan 2017-2022 na humihikayat sa United Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) Board na ipatupad ang voucher system at pagaanin ang loan system.


Malaking pagkakataon din ang ibibigay nito sa mga estudyante na makapamili ng eskuwelahang papasukan, maging pribado man, pampubliko o kahit technical-vocational education track o higher education, bago pa man ang enrollment period.


Nakapaloob din dito na ang lahat ng benepisaryo ng Tertiary Education Subsidy ay tuluy-tuloy na matatanggap hanggang sa makumpleto nila ang kanilang higher education degree program o post-secondary technical-vocational course, maliban na lamang kung hindi maiipasa ang ilang subject o masasangkot sa anumang usapin at kung patuloy silang makakapag-comply sa residency requirements ng kanilang pinasukang paaralan.


Isang tablet bawat mag-aaral at karagdagang subsidiya — marahil ay malaking tulong na ito para sa mga mag-aaral na nangangarap umasenso sa buhay. Isa itong malaking tulong para sa mga masisipag at masigasig na mag-aaral dahil siguradong sa pamamagitan ng mga panukalang batas na ito ay maraming pintuan ng oportunidad ang magbubukas para sa kanila.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page