Tabla na ang Nuggets at Grizzlies sa West Conference
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 22, 2022

Dinomina ng Denver Nuggets ang bisitang Memphis Grizzlies, 105-91, sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Ball Arena. Dahil dito, tabla na ang Nuggets at Grizzlies sa taas ng Western Conference sa kartadang 19-11 panalo-talo.
Triple double muli si MVP Nikola Jokic na 13 puntos, 13 rebound at 13 assist at marami siyang tulong mula sa kakampi tulad ni Aaron Gordon na may 24 puntos. Mag-isang binuhat ni Ja Morant ang Grizzlies sa kanyang 35 puntos at 10 assist.
Ang New York Knicks ang pinakamainit na koponan sa NBA ngayon at pinabagsak nila ang World Champion Golden State Warriors, 132-94, para sa kanilang ika-walong sunod na tagumpay. Kumuha ng 22 puntos mula kay reserba Immanuel Quickley at 21 kay Jalen Brunson at umakyat ang Knicks sa 18-10 at pang-anim sa Eastern Conference.
Nakamit din ng Utah Jazz ang kanilang ika-18 panalo matapos gibain ang kulelat sa buong NBA Detroit Pistons, 126-111. Pinantayan ni Lauri Markkanen ang personal na markang 38 puntos na una niyang ginawa noong Nobyembre 18 kontra sa Phoenix Suns habang 21 puntos si Jordan Clarkson kahit hindi na naglaro sa fourth quarter.
Sa ibang mga resulta, ginulat ng bisitang Washington Wizards ang Phoenix Suns, 113-110, sa 27 puntos ni Bradley Beal kasama ang dalawang mahalagang free throw sa huling dalawang segundo. Kasabay nito ay ang panalo ng Chicago Bulls sa Miami Heat, 113-103, sa likod ng 29 puntos at 12 rebound ni Nikola Vucevic.
Samantala, bukas na ang botohan para sa 2023 NBA All-Star Game na gaganapin sa tahanan ng Jazz Vivint Arena ng Salt Lake City ngayong Pebrero 20, petsa sa Pilipinas.





Comments