top of page

Taas-sahod ng mga Special Needs Education teacher, isinusulong

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 22
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 22, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Naghain ang inyong lingkod ng isang panukalang batas upang itaas ang sahod ng ating mga Special Needs Education (SNEd) teachers. Sa ilalim ng ating panukala, itataas natin ang Salary Grade (SG) ng mga SNEd teachers sa SG 22 (P71,511) mula SG 14 (P37,024).  


Mahalaga ang gagawin nating pagtaas ng sahod sa ating mga SNEd teachers upang mahikayat ang mas maraming mga kabataan na kumuha ng kursong may kinalaman sa special needs education. Inaasahan din nating mahihimok nito ang kasalukuyang mga SNEd teacher na maiangat pa ang kanilang kaalaman at kakayahan sa paghahatid ng edukasyon sa mga mag-aaral na may kapansanan.


Noong 2022, naisabatas ang ‘Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act” na ating isinulong. Sa ilalim ng batas, walang mag-aaral ang mapagkakaitan ng dekalidad na edukasyon dahil sa kanyang kapansanan. Layon din ng batas na tiyaking may sapat na pagsasanay ang mga guro, pati na rin ang mga non-teaching personnel, upang iangat ang kanilang kakayahang maghatid ng edukasyon at bigyan ng kalinga ang ating mga mag-aaral na may kapansanan.


Sa kabila ng pagkakaroon ng ganitong batas, nananatili pa rin ang maraming mga hamon. Sa isang pag-aaral na ginawa ng UNICEF noong 2022, lumalabas na may 1.6 milyong mga mag-aaral na may kapansanan sa bansa. Ngunit noong nirepaso natin ang pagpapatupad ng Republic Act No. 11650, natuklasan nating marami pa tayong mga mag-aaral na may kapansanang hindi naaabot ng sistema ng edukasyon. Lumalabas din na malaki ang ating kakulangan pagdating sa mga SNEd teachers.


Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), meron lamang 5,147 SNEd teachers noong School Year (SY) 2023-2024, kulang ng 7,651 upang epektibong matugunan ang pangangailangan ng may 295,666 na mga mag-aaral para sa nasabing school year.


Noong SY 2024-2025, umakyat ng 40% ang enrollment ng mga mag-aaral na may kapansanan, katumbas ng 412,996. Bagama’t bahagyang tumaas ang bilang ng mga SNEd teachers sa 5,741, lumalabas na umabot na sa 12,136 ang kabuuang bilang ng mga kulang na SNEd teachers sa bansa.


Umaasa tayo na maisasabatas ang panukala nating ito upang matulungan ang mga SNEd teachers, pati na rin ang ating mga mag-aaral na may kapansanan. Makakaasa ang mga kababayan na gagawin natin ang lahat ng ating makakaya upang maisabatas ang panukalang ito.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page