Taas-presyo ng bilihin, non-stop... P2K ibigay sa purdoy — PBBM
- BULGAR

- Jul 17
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | July 17, 2026

Photo: Bongbong Marcos - FB
Bilang tugon sa patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan, pinalawak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang cash assistance sa ilalim ng UPLIFT (Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport) program upang matulungan ang mas maraming pamilyang Pilipino na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, aabot sa 7.5 milyong households, o humigit-kumulang 27.5 milyong Pilipino, ang makikinabang sa pinalawak na programa.
Kabilang sa mga tatanggap ng dagdag na P2,000 ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program.
Makikinabang din ang 2.5 milyong mahihirap at near-poor na kabahayan na natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS).
Samantala, 1.5 milyong low-income workers at kanilang mga pamilya na nakarehistro sa Social Security System (SSS) ang makatatanggap ng P2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre.
Pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, ang pamamahagi ng tulong.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na magiging maayos, mabilis, at maginhawa ang distribusyon ng ayuda sa pamamagitan ng digital na sistema.
Ani Castro, bahagi ito ng patuloy na hakbang ng pamahalaan upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga Pilipino laban sa epekto ng krisis sa langis at matiyak ang tuloy-tuloy na suporta sa mga pamilyang higit na nangangailangan.





Comments