T'Wolves binitin ang Kings, Suns at Clippers, habol sa Playoffs
- BULGAR
- Mar 29, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 29, 2023

Nabitin ang pagpasok ng Sacramento Kings sa NBA Playoffs matapos gulatin ng bisitang Minnesota Timberwolves, 119-115, kahapon sa Golden 1 Center. Hindi talaga nakisama ang tadhana at nagwagi ang Phoenix Suns at LA Clippers sa kanilang mga katunggali at manatiling buhay sa paghabol sa Kings na 2006 ang huling karanasan sa playoffs.
Tumikim ng lamang ang Kings sa simula ng 4th quarter sa dalawang free throw ni De’Aaron Fox, 87-86, subalit mula roon ay puro Timberwolves na ang nag-domina ng laban hanggang umakyat sa 114-104 ang lamang sa dunk ni Jaden McDaniels na may 3:52 nalalabi. Sinubukang makabalik ng Sacramento ngunit laging may sagot ang Sacramento sa bawat banta.
Nagtapos na may 20 puntos si McDaniels para angatin ang Timberwolves sa 39-37 at kaya pa nilang pantayan ang Kings na naipit sa 45-30. Anim na iba pang Timberwolves ang nag-ambag ng 14 o higit na puntos.
Maaari ring mahabol ng Suns ang Kings sa bisa ng kanilang 117-103 tagumpay sa Utah Jazz na patuloy na naglalaro na wala si kabayan Jordan Clarkson. Siyam na Suns ang may siyam o higit na puntos sa pangunguna ni Devin Booker na may 24 puntos patungo sa 40-35.
Ganyan din ang sitwasyon ng Clippers na pinatahimik ang bisitang Chicago Bulls, 124-112. Nagbagsak ng 24 puntos si Nicolas Batum habang tig-22 sina Kawhi Leonard at Eric Gordon para sa kartadang 40-36 at anim na laro ang nalalabi sa kalendaryo ng Clippers.
Samantala, patuloy ang pamamayagpag ng Milwaukee Bucks at Denver Nuggets sa Eastern at Western Conference. Kahit lumiban si Giannis Antetokounmpo ay madaling iniligpit ng Bucks ang kulelat na Detroit Pistons, 126-117, sa likod ng 34 puntos ni Khris Middleton.




Comments