Suwerte ng mga Pinoy sa ‘Tate, suwerte ng mga Chinese sa ‘Pinas
- BULGAR

- Jan 30, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | January 30, 2021
SUWERTE NG MGA PINOY SA TATE, SUWERTE NG MGA CHINESE POGO WORKERS SA ‘PINAS—Dalawang araw matapos maupo bilang bagong pangulo ng Amerika ay nilagdaan ni US (United States) Pres. Joe Biden ang “stimilus package” para sa mamamayan ng Tate, at kabilang sa nakasama sa mabibiyaan ng ayuda sa panahon ng pandemya ay ang mga Pinoy sa U.S., at bago ‘yan ay kinumpirma naman ni Filipino-Chinese civic leader Teresita Ang-See noong Enero 5, 2021 na 100-K Chinese, kabilang ang mga POGO workers na nasa Pilipinas ang nabakunahan na ng mga smuggled vaccines, na tulad ng brand ng bakunang ipinanturok sa ilang miyembro ng Gabinete, PSG (Presidential Security Group) at PA (Philippine Army).
Ang suwerte naman ng mga Pinoy sa ‘Tate, at ang suwerte rin ng mga POGO Chinese workers sa ‘Pinas, boom!
◘◘◘
KAHANGA-HANGA ANG NBI, WALANG SINASANTO—Kinumpirma ni Customs Comm. Rey Leonardo “Jagger” Guerrero, na matapos nilang ibigay sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga detalye ng mga nagpuslit ng COVID-19 vaccines sa bansa, tinatrabaho na raw ngayon ng NBI para dakpin ang mga smuggler ng bakuna, na kabilang sa mga nabiyayaan nito (smuggled vaccines) ay ilang miyembro ng Gabinete, PSG, PA at POGO Chinese workers.
Kahanga-hanga talaga ang NBI kasi ipinakikita nila sa publiko na tapat silang naglilingkod sa bayan at mamamayan, na wala silang sasantuhin kahit pa may koneksiyon sa Malacañang ang mga gumawa ng ilegal, palakpakan naman d’yan!
◘◘◘
SA PANAHON NI P-DUTERTE, NAGLAKIHAN ANG TIYAN NG MGA NPA?—Maraming netizens ang hindi makapaniwala sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagsisuko kamakailan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ang lalaki kasi ng tiyan ng mga NPA na iprinista sa media ni NCRPO (National Capital Regional Police Office) Director, Gen. Vicente Danao.
Ngayon, kung sakaling totoong NPA ang mga ‘yan, ‘ika ng mga netizens ay lumusog na raw pala ngayon ang mga komunista sa panahon ng Duterte gov’t., boom!





Comments