Suspek sa pagpatay sa dating beauty queen, timbog

by Mervin Reyes @News | November 25, 2026

Photo: File / Circulated
Arestado sa Cainta, Rizal ang 30-anyos na lalaki na suspek sa pagpatay sa dating Miss Philippines Earth 2013 3rd runner-up na si Lullete Jane Ramilo-De Guzman noong Pebrero.
Sa pahayag ng Isabela Police Provincial Office nitong Lunes, kinilala ang suspek sa alyas Kenneth, na naaresto sa isang joint police operation sa Brgy. San Isidro, Cainta.
Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa. Nasa kustodiya na siya ng San Manuel Police Station habang hinihintay ang paglilipat sa kaniya sa korte.
Nag-ugat ang kaso sa pamamaril kay Ramilo-De Guzman, 32, public school teacher, noong Pebrero 13, 2026.
Nasa loob ng kanyang SUV ang biktima kasama ang tatlo niyang anak sa labas ng kanilang tahanan sa Brgy. Cabaritan, San Manuel, Isabela, nang barilin siya nang malapitan ng isang lalaking nakamotorsiklo.
Tinamaan sa mukha at katawan ang biktima at idineklarang dead-on-arrival sa ospital. Hindi naman nasaktan ang kanyang tatlong anak.
Ayon kay Isabela Police Provincial Director Police Colonel Manuel Bringas, ipinapakita ng pagkakaaresto ang paninindigan ng pulisya na papanagutin ang mga sangkot sa krimen at tiyaking hindi makaliligtas sa batas ang mga wanted na indibidwal. (Mervin Reyes)
Pinatutugunan ng Kamara ang kakulangan ng mga gurong may espesyalisasyon sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, iniulat ni Education Undersecretary Wilfredo Cabral na nasa 8,377 lamang ang specialized teachers sa Edukasyon sa Pagpapakatao at Values Education, o katumbas ng 1.12 porsyento ng kabuuang bilang ng mga guro sa bansa.
Dahil dito, iginiit ng komite na kailangang makipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa Commission on Higher Education (CHED) upang mahikayat ang mga kolehiyo at unibersidad na mag-alok ng mas maraming degree program na nakatuon sa GMRC at Values Education, partikular sa antas elementarya.
Binigyang-diin naman ng mga guro at education stakeholders ang pangangailangan ng karagdagang suporta at pondo upang matugunan ang kakulangan ng mga kwalipikadong guro.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), kulang ang mga gurong may sapat na kaalaman at pagsasanay sa Values Education dahil kakaunti ang mga kolehiyo at unibersidad na nag-aalok ng kaukulang espesyalisasyon.
Sinabi rin ng grupo na maaaring kailanganin ang mas malaking badyet at pagbibigay-prayoridad sa programa upang mahikayat ang mas maraming guro na kumuha ng Values Education major.





Comments