GMRC at Values Education teachers, kulang

by Mervin Reyes @News | November 25, 2026

Photo: File / DepEd
Pinatutugunan ng Kamara ang kakulangan ng mga gurong may espesyalisasyon sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, iniulat ni Education Undersecretary Wilfredo Cabral na nasa 8,377 lamang ang specialized teachers sa Edukasyon sa Pagpapakatao at Values Education, o katumbas ng 1.12 porsyento ng kabuuang bilang ng mga guro sa bansa.
Dahil dito, iginiit ng komite na kailangang makipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa Commission on Higher Education (CHED) upang mahikayat ang mga kolehiyo at unibersidad na mag-alok ng mas maraming degree program na nakatuon sa GMRC at Values Education, partikular sa antas elementarya.
Binigyang-diin naman ng mga guro at education stakeholders ang pangangailangan ng karagdagang suporta at pondo upang matugunan ang kakulangan ng mga kwalipikadong guro.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), kulang ang mga gurong may sapat na kaalaman at pagsasanay sa Values Education dahil kakaunti ang mga kolehiyo at unibersidad na nag-aalok ng kaukulang espesyalisasyon.
Sinabi rin ng grupo na maaaring kailanganin ang mas malaking badyet at pagbibigay-prayoridad sa programa upang mahikayat ang mas maraming guro na kumuha ng Values Education major.





Comments