top of page

Suspek sa insidente sa loob ng PNPA, sibakin at panagutin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 9
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 9, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa isang institusyong dapat sana’y maging modelo ng dangal at disiplina, isang insidente ng tila kahalayan ang tumambad sa loob ng Philippine National Police Academy (PNPA). 


Nakakabahala at nakakadismaya na ang mismong lugar na sanayan o training ground upang maghulma ng matitinong tagapagtanggol ng batas ay ginawang tagpuan ng nakakasuklam na pangmomolestiya. 


Ayon sa ulat ng Police Regional Office 4A, inaresto ang isang 35-anyos na police major matapos ireklamo ng isang 23-anyos na kadete ng PNPA sa Silang, Cavite nitong Hulyo 31. Sa ilalim ng impluwensya umano ng alak, hiniling ng opisyal sa kadete na imasahe siya sa loob ng kanilang barracks. Gayundin, hiniling ng opisyal sa kadete na maghubad, habang kalaunan ay idinemonstrate nito sa kadete kung paano gawin ang body massage. Subalit sa ginawang pagmamasahe ng opisyal, dito na nangyari ang pang-aabuso umano sa kadete, batay sa pulisya.


Dagdag ng National Police Commission (Napolcom), kahit pumalag ang biktima, itinuloy ng suspek ang ginawang kahalayan na anila, bagay na maaaring umabot sa kasong rape. Matapos ang insidente, agad humingi ng tulong ang biktima sa guwardiya at opisyal ng gusali. 


Isinasailalim na ang kadete sa psychological intervention habang naka-custody naman ang suspek para sa imbestigasyon at inquest, at inihahanda na rin ang isasampang kasong administratibo laban dito. 


Binigyang-diin din ni Comm. Rafael Vicente Calinisan, vice chairperson at executive officer ng Napolcom na ang ganitong insidente ay napakatinding trahedya, kung saan ang buong Philippine National Police (PNP) at Napolcom ay iimbestigahan ang nangyari. Aniya pa, kailangang managot ang taong sangkot. 


Paliwanag naman ng PNPA, magsasagawa sila ng mas mahigpit na background checks at vetting procedures sa kanilang mga tauhan, at sinabing ito ay “isolated case.”

Hindi sapat ang paulit-ulit na pahayag na isolated case sa maituturing nating krimen. Sa bawat ganitong insidente, lumalabas ang katiwalian at pang-aabuso. Ang pagkakasangkot ng isang opisyal sa ganitong krimen ay hindi dapat tratuhing simpleng pagkakamali lamang — ito ay malinaw na paglapastangan sa sinumpaang tungkulin ng mga alagad ng batas na pagprotekta sa bawat mamamayan. 


Sa ganang akin, walang dapat itago sa ganyang klase ng insidente. Bukod sa pagsasampa ng administrative case, dapat ito’y tuluyang tanggalin sa serbisyo at papanagutin sa ilalim ng batas. 


Ang PNPA ay dapat maging ligtas na espasyo, at hindi kulungan ng takot para sa mga kadete. 


Marahil ang insidenteng ito ay hindi ngayon lang nangyari, na maaaring ituring na isang istorya ng pang-aabuso, ito’y patunay na may kailangang baguhin sa mismong sistema at sa loob ng kanilang hanay. Hindi sapat ang training kung hindi naman ito sinasabayan ng tamang gawain, makabuluhan at naaayon sa batas. 


Higit pa rito, kailangan ng seryosong pagsisiwalat at pagpapanagot sa mga lumalabag upang maibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan. Nawa’y makamtan ang hustisya para sa biktima habang magkaroon ng reporma para sa institusyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page