Surot sa pasilidad ng airport at pantalan, aksyunan
ni Ryan Sison @Boses | Marso 1, 2024
Kinakailangan ng komprehensibong inspeksyon at masusing paglilinis sa mga pasilidad ng ating mga airport at pantalan para ang mga pasahero ay mas maging kumportable.
Ilang pasahero kasi ang nai-report na nagreklamo sa umano’y mga surot o bedbugs na nagpupugad sa kasangkapan sa loob ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 na naging dahilan para sila ay mangati at magkapantal-pantal.
Sa ulat ng GMA News, isinalaysay ng isang registered nurse na itinago sa pangalang “Kris”, na nagkaroon siya ng mga pantal o rashes sa kanyang mga binti matapos na maupo sa isang rattan furniture sa arrival area ng airport noong nakaraang linggo.
Ayon kay Kris, sinabihan siya ng clinic sa terminal na under investigation pa ito, subalit dahil nga sa isa siyang nurse, batid niyang surot ang kumagat sa kanya.
Noong February 9, nagsimulang makaramdam ng pangangati ang isang nagngangalang “Crissel” sa kanyang mga binti matapos na maupo sa metal bench ng terminal. Pag-uwi sa bahay, napansin niya ang mga maliliit na kagat at pantal sa kanyang balat.
Kuwento ni Crissel, mayroong something na may parang naglalakad o makati, at ang inisip lang niya ay baka mayroong buhok na dumikit sa kanya. Kinagabihan aniya, pagdating nila sa probinsya, kinapa niya ito at natuklasang may malaking pantal.
Habang kinabukasan ay bilog-bilog na lamang ang mga ito na maliliit at sobrang dami.
Humingi naman na ng paumanhin ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga biktima ng bug infestation at sinabing palalakasin nila ang ginagawang pest control sa mga pasilidad ng airport.
Tiniyak din ng MIAA na agad nilang tutugunan ang naturang problema.
Matatandaang, kamakailan lamang ay napabalita ang pagkakaroon ng mga katulad na infestation sa mga hotel sa Paris, Hong Kong at Korea.
Ang mga surot, parasitic insects na kadalasang namumuo o nagpupugad sa madilim na bahagi gaya ng mga gilid ng kama o sofa, ay nabubuhay sa dugo ng kanilang mga biktima at nagiging sanhi ng pangangati sa spot ng kanilang kinagatan.
Dapat sigurong magkaroon ng mahusay na hakbang sa sanitation at pagbutihin ang pag-iinspeksyon sa lahat ng pasilidad sa mga paliparan, pantalan at iba pang transport terminal.
Kailangan na maging malinis at maayos sa mga ganitong lugar lalo na sa airport dahil bukod sa maraming Pinoy na mga pasahero ay napakarami ring foreign tourists na pumapasok at lumalabas ng bansa.
Hindi kasi tama na nakakaranas sila ng discomfort habang naghihintay sa mga terminal dahil sa nagbabayad din naman sila ng maayos. Hindi rin magandang mapabalita na nagkalat ang mga pesteng insekto sa maraming lugar sa bansa at talagang nakakahiya.
Sa kinauukulan, aksyunan sana agad at resolbahin ang problema. Kung kinakailangang magpatupad ng thermal fogging at iba pang pamatay sa mga insekto ay gawin na, at huwag na nating hintayin na mabansagan tayong ‘surot capital of the world.’
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments