Sure na sa P18-M si Eala pagtuntong ng US Open 3rd Rnd
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | September 4, 2026

Photo: Alex Eala Fans
Nakasisigurong kukubra ng mahigit sa P18 milyon o $290,000 si World No. 18 Alex Eala sa pagtuntong sa third round ng 2026 US Open Championship kasunod ng pagdispatsa kay Ukrainian tennis player Oleksandra Oliynykova para maitakda ang panibagong harapan sa tropang si Iva Jovic ng US na inaasahang gaganapin muli sa Louis Armstrong Stadium sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa Queens, New York City.
Nauna ng kumubra ng karagdagang $40,000 o mahigit sa P2.5 milyon ang two-time WTA 125 titlists at WTA 500 Mubadala DC Citi Open champion na kahati ang katambal na si ATP World No.4 Felix Auger-Aliassime ng Canada sa first round exit ng mixed doubles sa US Open.
Bigatin ang pa-premyo ngayong taon kasunod ng pagtala ng pinakamalaking papremyo sa kasaysayan ng torneo matapos umangat ng 20% ang kabuuang papremyo mula sa nagdaang edisyon, kung saan tumaas din ng 10% ang cash prize noong isang taon.
Patuloy ang agawan ng pinakamahuhusay na tennis players sa buong mundo na puntiryang makuha ang tumataginting na $5.5 milyon o mahigit sa P339 milyon para sa women’s singles champion.
Nakalaan din ang malaking halaga sa makakapasok sa fourth round o round of 16 sa $480,000 o mahigit sa P30 milyon, na susundan ng quarterfinalists sa $780,000 o mahigit sa P48.9 milyon, habang ang semifinalists ay makakakuha ng $1,450,000 o mahigit sa P90 milyon at ang runner-up ay kukubra ng $2.8 milyon o nakakalulang mahigit sa P175 milyon.
Maging ang mga kalahok sa unang round ng singles ay may naiuwing $140,000 o mahigit sa P8.6 milyon, kasama na rin sa compensation package ang isang bagong Player Support Program na may panimulang pondong $2 milyon para sa 2026, na hahatiin nang pantay sa pagitan ng mga lalaki at babaeng manlalaro.





Comments