Surban at Dormitorio, nagpasiklab sa Danao Cycling
- BULGAR
- Jun 16, 2021
- 2 min read
ni VA - @Sports | June 16, 2021

Nangibabaw ang mga beteranong sina Nińo Surban at Ariana Dormitorio sa kani-kanilang event habang dalawang kabataan ang nagpamalas ng potensiyal noong nakaraang wéekend sa idinaos na PhilCycling National Trials para sa mountain bike sa Danao City, Cebu. Nagwagi ang men’s cross-country silver medalist noong 2019 Southeast Asian Games na si Surban sa 6-lap,3-km track sa Sitio Bugho sa Barangay Sandayong Sur at inangkin ang gold medal sa tiyempong isang oras, 22 minuto at 11.21 segundo. Sinundan siya ni Jericho Rivera na nakatawid sa uphill finish line dalawa at kalahating minuto ang lumipas pagkatapos ni Surban at pangatlo si Mark Louwel Valderama na naiwan ng mahigit 3 minuto. Natapos naman ni Dormitorio ang mas maigsing 5 lap,3-km loop race para sa kababaihan sa tiyempong 1:29:50.75. Pumangalawa ang baguhang si Nicole Quinones, anak ni 2003 Vietnam Seagames Men’s MTB gold medalist Eusebio Quinones at inuwi ang silver medal sa kanyang unang pagsabak sa Women’s Elite race pagkaraang maorasan ng 1:42:12.89.Sumunod sa kanya si Pamela Jane Ruiz na nagkamit ng bronze sa naitala nitong oras na 1:48:25.24. “Cycling is back,” wika ni PhilCycling head Rep. Abraham “Bambol” Tolentino na siya ring presidente ng Philippine Olympic Committee. “It’s more than a year since we have an official and this competition in Danao City marks our sport’s return.” “The results showed our cyclists stayed in competitive form even during the pandemic. Everyone wanted to return to action,”pahayag naman ni Oscar “Boying” Rodriguez, ang PhilCycling vice chairman at MTB commission head na kasalukuyan ding chairman ng Danao City Sports Commission. Dalawa namang kabataang siklista ang kinakitaan ng potensyal na mapabilang sa national team. Una na rito si Gart Gaerlan na nanalo sa Men’s Junior race (four laps, 12.4 kms) sa tiyempong 1:03.27.73 at si Athena Marie Magpantay, ang Batang Pinoy champion sa Puerto Princesa noong 2018 na nanguna naman sa Women’s Junior category sa oras na 1:11:11.44. Ang susunod na idaraos ng PhilCycling ang National Trials For Road sa Hulyo 9 at 10 sa Clark, Pampanga.





Comments