Supporters, nagdiwang… PAGLAYA NI BONG, PINALAGAN NG MGA BASHERS
- BULGAR

- 5 hours ago
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 3, 2026

Photo: FB Ramon Bong Revilla Jr.
Marami sa mga kasamahan niya sa showbiz ang natuwa sa pansamantalang paglaya ni dating Senador Bong Revilla, Jr. matapos ang halos anim na buwan niyang pagkakakulong kaugnay ng kasong may kinalaman sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Ang Sandiganbayan Third Division ang nagdesisyon na payagan siyang makapagpiyansa ng P1 milyon, na nagbunsod sa kanyang pansamantalang paglaya.
Kabi-kabila ang negative reaction at banat sa paglayang ito ni Bong. Hindi siya tinantanan ng mga kalaban na ang layunin ay ibagsak siya at tuluyang burahin sa mundo ng pulitika.
Sa unang araw pa lang ng kanyang pagkakakulong ay nagdiwang na ang kanyang mga kritiko at agad siyang hinusgahan.
Pero ang tatag ng loob at matibay na pananampalataya sa Diyos ang naging sandigan ni Bong upang harapin at kayanin ang mga pagsubok na kanyang pinagdaanan.
Marami ang nagdasal para sa kanyang paglaya. Naniniwala ang kanyang mga supporters na lalabas din ang katotohanan at malilinis ang pangalan ni Bong Revilla, Jr..
Nagdiriwang man ang mga taong gustong ibagsak siya at sirain ang kanyang pagkatao, tanging dasal at matibay na pananalig ang sandata niya upang makamit ang hustisya at ganap na kalayaan.
MARAMING naiinggit kay Marian Rivera dahil nakapag-asawa siya ng isang tulad ni Dingdong Dantes. Bukod sa guwapo at sikat na aktor, mabait, mapagmahal at isa siyang responsableng padre de familia.
Bibihira na ang lalaking tulad ni Dong. Nang magpakasal sila ni Marian ay ginampanan na niya ang pagiging mapagmahal na katuwang sa buhay. Good provider ito at hindi nakakalimot sa kanyang tungkulin sa pamilya.
Kahit na gaano pa kaabala ang aktor sa kanyang career, lagi siyang naglalaan ng panahon para kay Marian at sa dalawa nilang anak na sina Zia at Sixto. May oras siya para sa bonding nilang mag-anak.
Nagagawa pa nilang magbakasyon abroad kahit na may dalawa siyang shows sa GMA-7, ang The Master Cutter (TMC) at ang game show na Family Feud (FF).
Naging bahagi rin ng kanyang ika-46 na birthday celebration ang bakasyon nila sa Japan.
Wala nang mahihiling pa si Marian sa pagkakaroon ng mister na tulad ni Dingdong. Successful na siya sa kanyang career, masuwerte pa siya sa kanyang marriage.
MAY mga fans ang nagtatanong kung ano na raw ang status ngayon ni David Licauco sa GMA Network. Bakit daw nananahimik ang career ng aktor at walang bagong show? Sana raw ay ibalik na lang ng GMA-7 ang tambalang BarDa (Barbie Forteza at David) na hinihintay ng kanilang mga fans.
Malalaking endorsements ang dumating sa aktor nang mag-hit ang love team, kaya marami ang nagtataka kung bakit bigla na lang silang pinaghiwalay. Sinubukan na itambal sa iba si David pero si Barbie pa rin ang gusto ng mga fans na makatambal nito.
Samantalang ang aktres naman ay nakatrabaho sa isang movie project ang mga veteran stars na sina Boots Anson-Rodriguez at Charo Santos. May bago rin siyang serye sa GMA-7 kung saan makakasama niya ang Megastar na si Sharon Cuneta. At may movie siya sa Regal Films na kakaiba ang tema, ang Saving Cherry (SC).
Kaya gustong malaman ng mga fans ni David kung ano na ang mga ganap sa career niya. Mabuti na lang at muling ibinabalik ng Kapuso Network ang dati nilang seryeng Maria Clara at Ibarra (MCAI) na mapapanood araw-araw sa afternoon slot. Sa seryeng ito nagsimula ang kilig ng mga viewers sa tambalang BarDa. Muling manunumbalik ang magaganda at masasaya nilang alaala.





Comments