Suplay ng bakuna sa labas ng NCR Plus, tiyakin!
ni Ryan Sison - @Boses | June 13, 2021
Dahil mayorya ng suplay ng bakuna ay nakalaan sa NCR Plus, nangangahulugang ang mga residente rito ang prayoridad na maturukan.
Kaugnay nito, umaapela ng dagdag-alokasyon ng bakuna ang ilang probinsiyang tumataas ang mga kaso ng COVID-19 dahil sa kaunting bakuna na naibibigay sa ilang probinsiya dahil nakatuon umano ang pandemic task force sa mga kaso sa NCR Plus.
Paliwanag ng isang opisyal ng Marinduque, 6% pa lang ang nababakunahan sa kanilang lugar at malayo ito para maabot ang herd immunity.
Matatandaang may mga pagtaas na rin ng kaso ng COVID-19 sa ilang rehiyon, na siyang dahilan sa pagtaas ng daily fresh cases ng bansa sa nakalipas na buwan, partikular sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.
Dahil dito, nanawagan ang propesor ng OCTA Research na i-reallocate ang mga bakuna sa ilang lugar na may pagtaas ng kaso.
Gayunman, una nang nanawagan ang ilang LGUs na bigyan din sila ng dagdag-alokasyon sa pagdami ng mga nais magpabakuna at sa harap ng mga tumataas ng COVID-19 cases sa mga rehiyon.
May ilang lungsod din na hindi makausad sa pagbabakuna sa A4 group o economic frontliners dahil hindi pa rin tapos ang pagbabakuna sa mga naunang priority groups.
At kahit maraming gustong maturukan, no choice kundi maghintay lamang ng suplay ng bakuna mula sa gobyerno.
Tutal, patuloy ang pagdating ng mga bakuna sa bansa, tiyaking maipamamahagi rin ito sa mga rehiyon na may tumataas na kaso.
Bagama’t nauunawaan nating kailangang iprayoridad ang mga residente ng NCR Plus sa pagbabakuna, ‘wag nating kalimutan ang ating mga kababayan sa ibang rehiyon.
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, pag-aralang mabuti at tugunan ang panawagan ng ilang lokal na pamahalaan dahil sa ganitong paraan, mapatutunayan ang mga katagang “We Heal as One”.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments