top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mommy Caring, reyna sa PSA Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 9, 2021
2 min read

Updated: Nov 10, 2021

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 10, 2021



Hindi man lang nakalapit kahit sa buntot ang mga nakalaban ni Mommy Caring nang manalo sa 2021 PHILRACOM-Philippine Sportswriters Association (PSA) Stakes Race na ginanap sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, noong Linggo ng hapon.


Nirendahan ni Lester De Jesus, sinunggaban agad ng anak nina Striding Ahead at On A Mission na si Mommy Caring ang unahan paglabas ng aparato upang hawakan ang dalawang kabayong bentahe sa sumesegundong si Arrabiata.


Papasok ng far turn, nagpumilit na makadikit sina Arrabiata at Tocque Bell pero nabigo ang mga ito at lalo pang lumayo si Mommy Caring sa rektahan at manalo ng may anim na kabayong distansya sa nasegundong Luke Skywalker.


Inirehistro ni Mommy Caring ang 1:41.9 (24'-24'-24'-28) minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si James Anthony Rabano.ang P300,000 premyo.


"Inaasahan ko na kami ang mananalo," saad ni de Jesus na humiling na huling papasok ng aparato si Mommy Caring. "Mabisyo siya kaya talagang ni-request ko na huli siyang papasok."


Nasilo ni Luke Skywalker ang P100,000 habang napunta ang P50,000 at P25,000 sa third at fourth placers na sina Tocque Bell at Money Changer ayon sa pagkakasunod.


Pumang-lima si Arrabiata habang pang-anim si Roll Da Dice na nakapag-uwi ng tig P15,000 at P10,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon. "Born sprinter talaga at kampante siya na ang laro niya nasa unahan," saad ni trainer Ramon Nartea, "Sigurado kaming walang mauuna sa kanya, so importante lang sa amin na i-keep niya yung pace at wag lang hayaang humangos."


Noong Setyembre lamang ay nasilo ni Mommy Caring ang korona sa 2021 PCSO 3-year-old Maiden Stakes Race na nilarga rin sa San Lazaro.


Nagpapasalamat ang PSA sa PHILRACOM sa pagdaos ng event, nangako naman si de Leon na gagawin ang annual event sa nasabing karera.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page