Super Swerte, champ sa Tanauan Metro Turf
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |November 9, 2022
Nasilayan muli ang husay ni Super Swerte matapos sungkitin ang korona sa 2022 PHILRACOM Cup na pinakawalan sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Umarangkada sa largahan ang anak nina Art Moderne at Faster Tapper si Super Swerte na sinakyan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee, Jessie B. Guce pero kinapitan siya ng matutulin na sina King Tiger at Work Bell.
Umabot sa far turn ang pagpapahirap nina King Tiger at Work Bell kay Super Swerte pero hindi nagpatinag sa unahan ang winning horse, ginalawan na ito ni Guce kaya pagsapit ng huling kurbada ay nakaungos na sila ng dalawang kabayo.
Sa rektahan ay kampante na ang mga tagahanga ni Super Swerte na nakataya dahil umabot sa apat na kabayo ang abante nila.
Inilista ni Super Suwerte ang tiyempong 1:37.6 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng horse owner na si Sandy Javier ang P900,000 premyo sa event na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Pumangalawa si King Tiger na nag-uwi ng P300,000 habang tersero si War Cannon na kumubra ng P150,000.
Pumang-apat si Ambisioso habang pang-lima si Pangalusian Island na kumubra ng tig-P75,000 at P45,000 ayon sa pagkakasunod.
Samantala, nagwagi si Moves Like Jagger sa PAGCOR Trophy Race na inilarga sa pangalawang karera.
Nagtala ng impresibong tiyempo na 1:26.4 sa 1,400 meter race si Moves Like Jagger na sinakyan ni jockey JL Paano sapat para ibulsa ng winning horse owner na si JP Razon ang added prize na P50,000 mula sa PAGCOR.
Pangalawang tumawid sa meta si Noh Sen Young Yana, tersero si Benjie's Prayer habang pumang-apat si Money For Biffany.





Comments