top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Super Swerte, Boss Emong magkikita sa Commish Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 15, 2022
2 min read

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | February 15, 2022

Lumalapit na ang araw na pinakahihintay ng mga karerista ito'y ang muling paghaharap ng tatlong tigasin at kontrobersyal na kabayong sina Super Swerte, Boss Emong at Sky Shot.


Nagsaad ng pagsali sina Super Swerte, Boss Emong at Sky Shot sa 2022 Commissioner's Cup na ilalarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa Pebrero 20.


May distansyang 1,600 meter race, makakalaban ng tatlong nabanggit na kabayo ay sina War Cannon, Union Bell, Best Regards, Son Also Rises at 2020 PGC ruler Pangalusian Island.


Naging kontrobersiyal sina Super Swerte, Boss Emong at Sky Shot nang magharap sila sa nakaraang 2021 Presidential Gold Cup.


Nakalaan ang guaranteed prize na P2.5M sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Kukubrahin ng mananalong kabayo ang tumataginting na P1.5M, hahamigin ng 2nd placer ang P500,000 habang mapupunta sa 3rd at 4th ang tig-P250,000 at P125,000 ayon sa pagkakasunod.


Masusungkit din ng 5th at 6th ang P75,000 at P50,000 habang may P100,000 ang mapapanalunan ng breeder ng winning horse.


Samantala, humanga ang mga karerista sa pagdadala ni class A rider Jessie Guce kay Chancetheracer matapos nilang manalo sa 2022 PHILRACOM "Imported Stakes Race A" noong Linggo ng hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.


Dikdikan agad paglabas ng aparato sina American Factor at Raintree Starlet sa unahan habang ipinuwesto ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Guce si Chancetheracer.


Pinagmasdan lang muna ni Guce ang nag-uubusan ng lakas na sina American Factor at Raintree Starlet at saka ito pinausad si Chancetheracer papalapit sa unahan bandang far turn.


Pagdating ng hometurn ay nakakapit na si Chancetheracer at sa rektahan ay nakaungos na ito sa unahan at tinawid nito ang meta ng may anim na kabayong agwat sa nasegundong Dragong Butterfly.


Inilista ni Chancetheracer ang tiyempong 1:38.6 sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang premyong P300,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM).


Hinamig ni Dragon Butterfly ang P112,500 habang tig- P62,500 at P25,000 ang 3rd at 4th placers na sina Gomper Girl at American Factor ayon sa pagkakasunod.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page