Poomsae sumipa ng silver at bronze sa Asian Games

by Gerard Arce @Sports News | October 2, 2026

Photo: Sina Candelaria (silver) at Yape (bronze) sa Poomsae Asian Games. (pocmedia)
Hindi malilimutan ang Asian Games debut ni poomsae artist Juliana Candelaria na nagpamalas ng silver medal performance sa women’s individual poomsae competition upang maibigay ang ika-anim na pilak na medalya sa bansa, habang nakamit naman ni Jeus Gabriel Yape ang tansong medalya sa men’s Individual Poomsae sa 20th Aichi-Nagoya 2026 edisyon sa Toyohashi Gymnasium.
Umsikor ng 9.1300 ang 18-anyos Igorot taekwondo jin upang sumegunda kay Korean artist Jung Haeun sa gintong medalya sa 9.3100, habang nakamit naman ni Thitaree Kaewolanwasu ng Thailand ang tansong medalya sa pamamagitan ng 9.0400 puntos.
Nagawang makuha ni Candelaria ang 9.200 iskor sa recognized poomsae routine bago kunin ang iskor na 9.060 sa freestyle round, samantalang mas mataas ang nakuha ng Korean performer sa 9.320 sa recognized at 9.300 sa freestyle.
“Amazing. I feel great about everything. It’s such an amazing achievement for me. It’s my first Asian Games,” wika ni Candelaria sa panayam ng One Sports.
“Ang mati-take ko [na lesson] here is live in the moment, kasi what I did in this competition is to enjoy and just be grateful for everything.” Dahil sa panalo ay naihilera ang silver medal nito sa apat pang nagwagi na kinabibilangan nina Jean Claude Saclag (MMA), Marie June Adriano (karate), Philippine women’s sepak takraw team, at Amaya Amparo Cojuangco ng archery, na kinuha rin kahapon ng umaga.
Nakuntento naman si Yape sa third place sa nakuhang 9.0900, mula sa 9.100 sa recognized at 9.080 sa freestyle para sa ika-14th bronze medal ng bansa, habang wagi ng ginto si Yun Kyusung ng South Korea sa 9.3800, at silver medalists si Navin Pinthasute ng Thailand sa 9.2800.





Comments