Super Swerte at Boss Emong target si Pangalusian Island
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | December 12, 2021
Target ng dalawa sa matitikas na kabayo sa bansa na sina Super Swerte at Boss Emong na hablutin ang hawak na titulo ni Pangalusian Island pagrampa nila sa prestihiyosong Philippine Racing Commission-Philippine Charity Sweepstakes Office Presidential Gold Cup na ilalarga ngayong araw sa Metro Manila Turf Club, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Ito ang araw na pinakahihintay ng horseowner, trainer at jockey dahil maaari silang maukit sa history ng karera sakaling manalo sila sa PGC. Magtatagisan ng bilis ang mga mahuhusay na kabayo sa bansa sa distansyang 2,000 meter race.
Nakatutok ang mga kalahok sa mahigpit na magkaribal na sina Super Swerte na anak nina Art Moderne at Faster Tapper at Boss Emong na lahi nina Dance City out at Chica Una, paniguradong dehado sa laban ang defending champion na si Pangalusian Island.
Nakataya ang guaranteed prize na P10M sa event na suportado ng PHILRACOM.
Sina Super Swerte at Boss Emong ay pag-aari nina Sandy Javier at Edward Diokno ayon sa pagkakasunod, maliban kay Pangalusian Island, ang ibang tigasing kalahok ay sina 1st at second leg Triple Crown ruler Nuclear Bomb at 3rd leg winner War Cannon.
"Paniguradong magandang laban 'yan, kay Super Swerte pa rin ako, mainam pa rin siyang kabayo at mahusay pa ang hinete."
Rerendahan ni Jessie B. Guce si Super Swerte habang si veteran at class A rider Fernando Raquel Jr. ang gagabay kay Boss Emong.
Kukubrahin ng magkakampeon ang P6M, hahamigin ng second placer ang P2M habang tig-P1M at P500,000 ang 3rd at 4th placers.
Puntirya rin na sumungkit ng titulo sina Sky Shot, Gusto Mucho, Great Wall, Union Bell, Isla Puting Bato, Prosperity, Obra Maestra at Stardust. Tatanggap ang 5th at 6th ng tig P300,000 at P200,000 habang mapupunta ang P500,000 sa breeder ng winning horse.
Samantala, masisilayan din ng mga karerista ang bakbakan ng 5 kabayo sa 2021 PHILRACOM PGC Division II na ikakasa sa pang-pitong karera.
Maglalaban sa distansiyang 1,600 meter race sina Hook On D Run, Stayinthemoment, Flattering You, Tocque Bell at All Too Easy.





Comments