Super Swerte at Boss Emong may date sa pista
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | December 06, 2021
Magkikita muli sa pista ang dalawa sa tigasing kabayo sa Pilipinas na sina Super Swerte at Boss Emong matapos maghayag ang kanilang connections ng pagsali sa 2021 PHILRACOM-PCSO Presidential Gold Cup na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Makakatapat nina Super Swerte at Boss Emong ang defending champion na si Pangalusian Island sa distansiyang 2000 meter race.
Noong nakaraang buwan lang nanalo ang anak nina Art Moderne at Faster Tapper na si Super Swerte sa PCSO Silver Cup na pinatakbo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, kabilang sa tinalo niya sina Boss Emong at Pangalusian Island.
Sasakyan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jessie B. Guce, makakaharap ni Super Swerte ang 11 pang matitikas na kabayo sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Ang ibang nagdeklara ng pagsali ay sina Sky Shot, Gusto Mucho, War Cannon, Nuclear Bomb, Great Wall, Union Bell, Isla Puting Bato, Summer Romance, Prosperity, Obra Maestra at Stardust.
Inaasahang magandang laban ang masisilayan ng mga karerista dahil sa P10M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
Hahamigin ng mananalong kabayo ang tumataginting na P6M, kukubrahin ng second placer ang P2M habang tig-P1M at P500,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.
Makokopo ng fifth at sixth ang tig-P300,000 at P200,000 habang ibubulsa ng breeder ng winning horse ang P500,000.
Samantala, nagwagi si Rap Bell sa Mr. Leandro "Nardy" Naval 2-Year-Old Maiden Race na pinakawalan kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.





Comments