Super LPG, pinatirik ang biyahe ng Dyip, Perkins, bida
ni Gerard Arce - @Sports | September 10, 2021

Sinilaban ng Phoenix Super LPG ang biyahe ng Terrafirma Dyip para tapusin ang three-game winning streak nito sa bisa ng 96-84, kahapon sa unang laro ng PBA Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University sa Bacolor, Pampanga.
Dahil sa panalong ito ay nagawang makatabla ng Fuel Masters sa Terrafirma Dyip sa 8th spot sa 3-5 kartada at may tsansa pa na mabuhay ang pag-asa sa playoffs at makabawi sa masamang laro noong Set. 4 laban sa NLEX Road Warriors.
Kumamada sa opensa si dating De La Salle University forward Jason Perkins ng 28 puntos para pangunahan ang Fuel Masters. Inalalayan siya nina Vic Manuel at Matthew Wright na nag-ambag ng 18pts at 15pts, ayon sa pagkakasunod, habang kinapos ang pagkakapit-bisig nina Aldrech Ramos (13), Roosevelt Adams (11), Eric Camson (11), Joseph Gabayni (11) at Rashawn McCarty (10) para sa Terrafirma, samantalang hindi naging maganda ang kontribusyon ni PBA Best Player of the week Juami Tiongson na may 8 pts. “I wasn't paying attention to the defense. We're just executing--playing basketball like we do. We have a great offense. We're just doing it--moving the ball around, executing, and passing the ball to the open man,” wika ni Perkins, na kinapos na maitabla o mahigitan ang 31 pt. career high sa laro.
Tinanggap ni Fuel Masters head coach Topex Robinson ang matinding hamon na dala-dala ng Terrafirma bago ang laro na magkakasunod na tinalo ang mga bigating koponan na San Miguel Beermen, Ginebra Kings at Blackwater Bossing.
Maagang ipinaramdam ng Fuels ang pagnanais na makuha ang panalo nang pahirapan nila ang Dyip sa unang quarter sa 24-17 Sa pagpasok ng third period, umaribang muli ang Fuels sa pagratsada ng 9-0 run para sa 57-47 sa 9:44, hanggang sa paabutin pa ito sa 13 pt. lead sa 67-54 sa 4:33 mula sa driving lay up ni Mike Calisaan. Natapyasan ito ng Terrafirma sa 69-64 sa pagtatapos ng third quarter mula sa tirada ni Eric Camson.





Comments