top of page

Super-laki ng gastos ng ex… MATA NI KATHERINE, IPINAOPERA NI COCO

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 4 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 28, 2025



SHEET - MATA NI KATHERINE, IPINAOPERA NI COCO_YT _juliusbabaounplugged & IG _cocomartin_ph

Photo: YT _juliusbabaounplugged & IG _cocomartin_ph



“Malaki po ang ginastos n’ya at sobra, habambuhay na pasasalamat, taos-pusong pasasalamat na ‘di ko alam kung ano ‘yung nagawa kong kabutihan sa buhay para mabigyan pa po ako ng isa pang pagkakataon,” ito ang madamdaming pahayag ni Katherine Luna sa panayam niya kay Julius Babao sa vlog nitong Unplugged.


At ang tinawag na ‘angel’ ni Katherine na gumastos sa operasyon niya sa dalawang mata ay ang aktor-direktor na si Coco Martin.


Napanood daw kasi nito ang panayam kay Katherine ni Julius noong Pebrero 2025, kung saan humingi siya ng tawad sa nagawang kasalanan noon na ipinaako ang anak na hindi naman pala ang aktor ang ama kaya nagulo ang buhay nito.


Nakita ni Coco na hindi maganda ang kalagayan ngayon ni Katherine at kaagad nitong kinontak si Ogie Diaz para iparating kay Kath na gusto niya itong tulungan.


“‘Di po ako makapaniwala kasi unang-una po ay dumaan talaga kay Tito Ogie Diaz. Sabi, ‘Kath, ipinapasabi ni Coco na gusto ka n’yang tulungan.’ Nagdalawang-isip po ako kasi saan naman ako kukuha ng kapal ng mukha para humarap, ‘di ba?


“Iniisip ko pa lang po kung ano ang sasabihin ko, ano ang magiging reaksiyon ko, paano ako uunahan, paano ako sasagot. Hiyang-hiya po ako.


“Pero nu’ng sinabi n’ya na, ‘Para sa mga bata, para sa mga anak mo,’ eh, noon nga, nagawa ko ang lahat para sa mga anak ko, bakit ‘di ngayon? Eh, di harapin ko na lang ‘yung kahihiyan. Lalakasan ko na lang ang loob ko para sa mga anak ko, kaya tinanggap ko ang alok ni Coco.


“Sabi n’ya, lahat ng naging problema sa akin, pisikal, babaguhin, ipapagamot. Inopera ang mata ko, sobrang laki ng ginastos,” emosyonal na kuwento ni Katherine sa naging pag-uusap nila ni Coco.


Ang naging proseso sa operasyon ay tinahi raw ang muscle ng mata niya (eye muscle surgery). Sa mga ganitong kaso, nagiging duling o banlag o strabismus dahil ang muscle na nakadikit sa mata ay nanigas o nasira na.


Ilang oras ding inabot ang operasyon at habang nagpapagaling ay nakasuot siya ng salamin at blurred daw ang tingin niya sa paligid.


Bukod-tanging ang panganay na si Nicole ang nagbantay sa kanya mula nang maoperahan hanggang sa ilang araw niyang pananatili sa ospital, na ipinakita sa video.


Ilang araw bago nakita ni Katherine ang kanyang mukha at ang ganda ng ngiti, sinabi niya kay Julius, “After three days. Nu’ng third day po, paggising ko, pagtingin ko sa salamin, nakita ko na ayos na s’ya,” emosyonal niyang sabi. 


“Iyak ako nang iyak, ‘yung luha ko na lang ang bumabagsak. Sampung taon,” lumuluhang sabi ni Katherine.


Hirit ni Nicole, “Nakalimutan na po n’ya ang hitsura n’ya.”

Tuloy ni Katherine, “Sampung taon. Na-miss kita. Sampung taon kitang hinintay, na-miss kita talaga nang sobra. Kinakausap ko talaga ‘yung mata ko. Aalagaan na kita, aalagaan na talaga kita,” umiiyak niyang kuwento.


Dagdag pa niya, “‘Yung pakiramdam na walang pera ang bulsa mo pero ang saya-saya mo. Kahit maraming problema, stress, nakalimutan ko lahat, ang saya-saya ko. Hindi po talaga ako makapaniwala. Hindi ko lubos-akalain na maibabalik pa kasi tinanggap ko na nga na duling ako.”


Sabi ni Julius ay naibalik na ni Katherine ang confidence niya at puwede na siyang maglakad kahit saan.


Biro ng anak na si Nicole, “Mayabang na s’ya. Hahaha!”

Kasi nga raw, lagi nang nakataas ang buhok ni Katherine ngayon at taas-noo na siyang nakakalakad sa mga lugar, hindi tulad dati na takip ang kalahati ng mukha at ramdam niyang pinagtitinginan siya ng mga tao, na isa rin sa mga dahilan kung bakit siya nawalan ng kumpiyansa sa sarili.


“Maraming-maraming salamat po kasi ininterbyu ninyo ako na ayaw ko talaga, pero ipinush ni Lord na magpainterbyu ako dahil kung hindi, wala lahat,” sambit ni Katherine.

At bukod kay Coco, isa pang pinasalamatan ni Kath ay si Julia Montes. 


Mensahe niya sa aktres, “Maraming-maraming salamat po kay Ms. Julia. Alam ko po, isa rin kayo sa mga nag-asikaso. Maraming-maraming salamat po. Panginoon na po ang bahala sa inyo. Hindi lang po sa akin, marami na ring natulungan si Direk Coco.”


Hindi lang si Katherine ang natulungan ng aktor/direktor/producer kundi maging ang panganay niyang si Nicole, na gumanap bilang Kitkat, na isinama rin sa FPJ’s Batang Quiapo (BQ) bilang kaibigan ng kinakapatid ni Maris Racal sa kanyang madrasta.





NALAGLAG na sa ika-limang puwesto ang pelikulang Love You So Bad (LYSB) nina Will Ashley, Dustin Yu at Bianca De Vera, produced ng Star Cinema, Regal Entertainment at GMA Pictures, mula sa ika-apat na puwesto sa unang araw ng 51st Metro Manila Film Festival (MMFF).


Napanatili ng Call Me Mother (CMM) ni Vice Ganda ang unang puwesto hanggang sa ikalawang araw, December 27, kaya masaya ang buong cast at ang IdeaFirst Company, Star Cinema at Viva Films.


Ikalawang puwesto pa rin ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins (SRREO) ng Regal Entertainment.


Ang Unmarry, na pawang magaganda ang reviews, ay nasa ikatlong puwesto kaya ang gaganda ng ngiti ng mga bida nitong sina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo kasama ang buong cast, lalo na ang production team at mga producers na Quantum Films at Cineko Productions.


Umakyat na sa ika-apat na puwesto ang Bar Boys 2: After School (BB2AS) na patuloy ang pagtaas ng gross dahil sa sunud-sunod na sold-out screenings sa maraming SM Cinemas, kasama na ang Director’s Club na halos doble ang presyo ng ticket. Nagdagdag pa sila ng mga sinehan.


Hindi na binanggit ng kausap namin kung ano ang pang-anim, pampito at pang-walo sa mga pelikulang Manila’s Finest (MF), I’mPerfect at Rekonek.


Kagabi ginanap ang Gabi ng Parangal ng 51st MMFF at posibleng mabago ang ranking ng mga nabanggit na pelikula depende sa mga nagwagi.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page