Super-hapi na napatunayang may matris siya…ANGELICA, PROUD NA IPINAGSIGAWANG BUNTIS KAY GREGG
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | March 21, 2022

Masayang ipinagsigawan ni Angelica Panganiban sa buong mundo na finally ay magiging isa na siyang ina.
Inianunsiyo niya ang magandang balita sa kanyang Instagram page kahapon. Nag-post ng ilang larawan si Angelica kabilang na ang sonogram ng kanyang first baby sa sinapupunan.
“Ay! Na-post!! (pregnant woman emoji).
“Sa wakas!!! Magagampanan ko na rin ang pinakahihintay at pinaka-importanteng papel ng buhay ko. Magiging ganap na INA na po ako.
“Opo, may matres (matris) ako, mga baklaaah! Ipagpapasalamat ko na rin ang mga kapamilya, kaibigan at mga Marites na sumuporta, nagdiwang, nagdasal at patuloy na nagdarasal para sa pamilya namin. Waaaaaah! Huhuhu! May pamilya na ‘ko. Kaiyak pramis,” ang caption ng aktres na bakas na bakas talaga ang kasiyahan.
May video ring ibinahagi si Angelica ng kanyang sonogram kung saan ay maririnig ang boses niya na parang naiiyak na natutuwa habang tinitingnan ang galaw ng baby sa video.
Umapaw naman ang pagbati ng netizens at mga kaibigan sa industriya sa comment section ng post ni Angelica at kabilang dito sina Vhong Navarro, Mariel Rodriguez, Marian Rivera, Sarah Lahbati, Pauleen Luna, Lotlot de Leon, Direk Antoinette Jadaone, Ria Atayde, Camille Prats, Jolina Magdangal, Barbie Imperial, Maja Salvador, Janine Gutierrez, ang mga BFF na sina Kim Chiu at Glaiza de Castro at marami pang iba. Lahat sila ay masaya para kay Angelica.
Of course, ang ama ng kanyang ipinagbubuntis ay walang iba kundi ang non-showbiz boyfriend niyang si Gregg Homan.
Wala pang binanggit ang aktres kung ilang months na siyang preggy at iba pang detalye sa kanyang pagbubuntis. Siyempre, gusto ring malaman ng lahat kung may balak ba silang magpakasal ni Gregg at kung ano pa ang mga plano nila ngayong magkakaanak na sila.





Comments