Suns, Lakers, Rockets at Raptors, nakalusot
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 28, 2022

Kumapit ng husto ang Phoenix Suns sa last 2 minutes upang lusutan ang bisitang Utah Jazz, 113-112, sa NBA kahapon mula sa Footprint Center. Nagtala rin ng dalawang magkasunod ang bisitang Los Angeles Lakers at umulit sa San Antonio Spurs, 143-138.
Tinapik papasok ni Torrey Craig ang mintis ni Deandre Ayton upang dagdagan ang lamang ng Suns, papasok sa last 2 minutes, 113-110. Nahirapan makapuntos ang magkabilang panig hanggang nakapasok si Jordan Clarkson ng Jazz ng dalawang free throw upang magbanta na may 26 segundo sa orasan. Ibinaba agad ng Suns ang bola at nagmintis ang 3-points ni Devin Booker sa huling 2 segundo na pinitas ni Ayton ang offensive rebound at mapreserba ang resulta.
Halimaw ang numero ni Ayton na 29 puntos at 21 rebound sa 34 minuto. Hindi malayo si Booker sa kanyang 27 puntos, 11 rebound at pitong assist sa bantayan nila ni Clarkson na nanguna sa Jazz na may 22 puntos.
Humataw ang Lakers sa second half at palakihin ang kanilang 70-68 lamang sa likod ni LeBron James. Nag-three-points si LBJ na sinundan ng layup na nagtayo ng pinakamalaking lamang ng Lakers, 121-105, at 8:33 sa fourth quarter.
Gumawa ng 14 ng kanyang 39 puntos si LBJ sa fourth quarter upang mamuno Lakers.
Sumunod si Dennis Schroder na may 21 puntos sa kanyang ika-limang laro ngayong taon matapos gumaling ang operasyon sa kanang hinlalaki.
Samantala, nagsabog ng 29 puntos si kabayan Jalen Green sa 118-105 tagumpay ng Houston Rockets sa Oklahoma City Thunder. Ito ang unang beses na nanalo ng dalawang sunod ang Rockets at namigay din si Green ng siyam na assist na pinakamarami sa kanyang dalawang taon sa NBA.
Wagi din ang Toronto Raptors sa Dallas Mavericks, 105-100. Sumandal ang Raptors sa tambalang Fred VanVleet at OG Anunoby na parehong nagsumite ng tig-26 puntos.





Comments