Suns at Lakers, umalagwa; James, positive sa COVID-19
- BULGAR
- Dec 2, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 02, 2021

Nangyari ang inaasahang pasiklab sa panalo ng Phoenix Suns sa dating solong numero uno Golden State Warriors, 104-96, sa tapatan ng dalawang may pinakamataas na kartada sa NBA kahapon mula sa Footprint Center. Subalit umagaw din ng pansin ang pagpasok ni LeBron James sa health protocol, ang pinakamalaking pangalan na damay ng kasalukuyang pandemya.
Lamang lang ng isa ang Suns, 92-91, subalit bumira ng limang sunod na puntos si Jae Crowder upang lumayo, 97-91, at kumapit ang Phoenix sa huling 3:47. Ipinasok nina Chris Paul, Landry Shamet at Deandre Ayton ang mga mahalagang buslo upang pahabain sa 17 ang kanilang sunod-suod na tagumpay at pumantay sa Warriors para sa liderato ng buong NBA sa 18-3 panalo-talo.
Double-double sina Ayton na 24 puntos at 11 rebound at Paul na 15 puntos at 11 assist.
Nanguna sa Warriors si Jordan Poole na may 28 puntos at nalimitahan sa 12 puntos lang si Stephen Curry sabay nagwakas din ang pitong sunod na wagi ng Warriors.
Dumayo ang Los Angeles Lakers sa laban kontra Sacramento Kings na wala si James na sumailalim sa health protocols Bakunado si James at asymptomatic siya ngayon ayon sa pagkumpirma ng kakamping si Anthony Davis. Mahinang 10 araw siya magliliban subalit maaaring bumalik agad kung makakakuha siya ng dalawang negatibong resulta sa loob ng 24 oras.
Kahit wala ang kanilang kapitan, humataw ang Lakers sa second half upang maukit ang 117-92 tagumpay at gumanti sa Kings na tinalo sila sa tatlong overtime, 141-137, noong huli nilang tapatan noong Nobyembre 27. Nagsumite ng malaking numero sina Anthony Davis na may 25, Russell Westbrook na may 23 at reserba Malik Monk na may 22 puntos.





Comments