Suns at Hawks, nakabanat kontra Celtics at Jazz
- BULGAR
- Feb 5, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 5, 2023

Nag-uwi ng mahalagang panalo ang bisitang Phoenix Suns sa Boston Celtics, 106-94, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa TD Garden. Umakyat ang Suns sa kartadang 28-26 at kahit bigo ay numero uno pa rin ang Celtics sa buong liga sa 37-16 subalit lumiit ang agwat ng mga humahabol papalapit sa taunang All-Star Game.
Biglang umarangkada ang Phoenix sa gitna ng first quarter at hindi na pinaporma ang Boston hanggang lumaki sa 20 ang lamang sa second quarter, 53-33, matapos ang walong sunod-sunod na puntos ni Chris Paul. Mula roon ay inalagaan ng Suns ang lamang sa likod ni Mikal Bridges na ipinasok ang 17 ng kanyang 25 puntos sa second half habang nagtapos si Paul na may 15 puntos.
Determinado si Trae Young na patunayan na mali ang hindi pagsama sa kanya sa All-Star at bumanat ng 27 puntos upang ipanalo ang Atlanta Hawks sa Utah Jazz, 115-108, sa lugar kung saan mismo gaganapin ang laro na Vivint Arena. Sinuportahan siya ni De’Andre Hunter na may 26 puntos.
Samantala, nakiusap si All-Star Kyrie Irving sa pamunuan ng Brooklyn Nets na hanapan siya ng bagong koponan bago ang huling araw ng palitan ng mga manlalaro sa Pebrero 10, petsa sa Pilipinas. Kahit pumupuntos ng 27.1 bawat laro sa apat na taon sa Nets, hindi masyadong napapakinabangan si Irving sa dami ng kanyang linibanan na laro lalo na noong 2021-2022 kung saan nagmatigas siya at hindi pumayag magpabakuna sa COVID-19 na noon ay isang requisito bago siya makakalaro.
Wala pang tiyak na alok ang natatanggap para sa serbisyo ng Rookie of the Year subalit malakas ang usapan na ipapadala siya sa Los Angeles Lakers upang magsama muli ni LeBron James at ulitin ang kanilang kampeonato noong 2016 sa Cleveland Cavaliers.





Comments