top of page
Search
  • BULGAR

Sunog, maiiwasan kung magiging responsable at ‘di pabaya

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 11, 2024


Mas pinaigting ngayon ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kampanya laban sa sunog dahil hindi pa man dumarating ang buwan ng Marso para sa paglulunsad ng Fire Prevention Month ay sunud-sunod na agad ang naitalang sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa. 

 

Pangunahing sanhi ng mga insidente ng sunog ngayong 2024 ang paninigarilyo, ayon sa BFP. 

 

Batay sa datos ng BFP, nasa 191 ang naitalang insidente ng sunog na dulot ng sigarilyo mula Enero 1 hanggang Marso 1.

 

Sumunod naman dito ang open flame dahil sa pagluluto, na nasa 155 insidente. Kabilang sa mga sanhi nito ang liquefied petroleum gas o LPG, gas stove at kahoy na panggatong.

 

Nasa 144 naman ang naitalang kaso ng electrical ignition dahil sa “arcing” habang 98 ang sanhi ng overloading ng kuryente.

 

Samantala, mas mataas din ang kaso ng mga sunog ngayong taon na pumalo sa 3,044 mula sa naitala na 2,424 sa parehong panahon.

 

Umabot na sa 69 katao naman ang nasawi habang 213 ang nasugatan, bago pa sumapit ang Fire Prevention Month. 

 

Pero karamihan umano ng nangyaring sunog ay aksidente, habang may 20 insidente ang sinadya.

 

Patuloy na iniimbestigahan ang iba pang insidente ng sunog. 

 

Posibleng may kinalaman din ang napakainit na panahon, kaya mas mabilis na maglagablab ang apoy dahil umabot na sa 37 degrees Celsius ang heat index o nararamdamang init sa Metro Manila. 

 

Ayon kay PAGASA weather specialist Chenel Dominguez, maihahalintulad sa init ng taong nilalagnat ang ganitong taas ng temperatura. 

 

Dagdag pa niya, mararanasan ang init ng panahon hanggang ikalawang linggo ng buwan ng Marso bunga na rin ng El Niño. 

 

Sa Metro Manila, makakaranas umano tayo ng ihip ng amihan, kaya medyo bababa ang ating temperatura. 

 

Kinumpirma naman ng weather bureau na magsisimula nang humina ang El Niño at magbabalik ang neutral condition sa Abril, Mayo at Hunyo. 

 

Mayroon namang 55% tsansa na magkaroon ng La Niña sa mga susunod na buwan. 

 

Sa naunang pagtaya ng Department of Agriculture, umaabot na sa P357 milyon ang pinsala sa mga pananim sa bansa dulot ng El Niño phenomenon. 

 

Sa loob ng dalawang linggo, posibleng ideklara na ng PAGASA ang simula ng dry season o summer kapag natapos na ang northeast monsoon o amihan. 

 

Napakalaki ng pagsubok na ating kinakaharap tuwing sasapit ang buwan ng Marso, kaya marapat lang na magsagawa tayo ng dobleng pag-iingat upang hindi tayo mabiktima ng nakaambang panganib tulad ng sunog. 

 

Regular na bisitahin ang mga anunsyo ng BFP. Tutal palagi naman tayong nakatuon sa social media upang malaman natin ang mga bagong anunsyo hinggil sa pag-iingat at kung ano ang gagawin sa oras na magsimula na ang sunog sa inyong lugar. 

 

Dapat sa panahong ito ay naka-install na sa inyong mga cellphone ang numero ng pinakamalapit na bumbero sa inyong lugar upang hindi na maghahanap pa sakaling magsimula ang sunog at agad na maapula ang paglaki ng apoy. 

 

Sundin din ang mga datos na inilalabas ng BFP dahil higit sa lahat ay sila ang nakakaalam ng sanhi ng sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at sa pinakahuli nilang anunsyo ay natukoy ang paninigarilyo na pangunahing sanhi ng sunog. 


Ibig sabihin, marami tayong kababayan na iresponsable o kulang sa pag-iingat habang naninigarilyo ay kung saan-saan lang itinatapon ang cigarette butts na may sindi pa at kapag bumagsak sa kumpol ng basura ay mabilis na nagliliyab dahil sa napakainit ng kapaligiran. 

 

Hindi ito haka-haka lang, dahil ito mismo ang lumabas sa mga imbestigasyong isinagawa ng BFP sa mga nagdaang sunog nitong mga nakaraang araw, kaya huwag natin itong ipagwalang-bahala, posibleng may madamay tayong buhay dahil lang sa simpleng kapabayaan. 

 

Anak Ng Teteng!

 

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page