Sunny Side, sumiklab sa paglarga sa Turf
- BULGAR
- Jul 3, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 3, 2023
Nagpasiklab sa karerahan ang dehadong si Sunny Side matapos talunin ang mga liyamadong katunggali at sikwatin ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Nilista ni Sunny Side ang impresibong 1:26.8 minuto sa 1,400 meter race sapat upang talunin ang tigasing sina Noh Sen Young Yana at Jannanigans at sikwatin ang P10,000 added prize para sa winning horse owner na si JG Tan.
Ayon sa komento ng mga karerista sa social media, maganda ang pagkakadala ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema kay Sunny Side.
"Pang star jockey talaga kung magdala ng kabayo si Patty (Dilema), tinutukan lang nito si Jannanigans, tapos sa rektahan na tomodo," saad ni Gilbert Tolentino, veteran karerista.
Humarurot sa largahan ang Jannanigans at mabilis naman itong sinundan ng Sunny Side para tutukan.
Bakbakan ang Jannanigans at Sunny Side sa far turn at pagsungaw ng rekta ay kumukuha na ng unahan ang winning horse.
Dalawang kabayo ang agwat ni Sunny Side sa pumangalawang si Katherine ng tawirin nito ang meta.
Dumating na tersero si You Never Know habang pumang-apat si Waray Na Wayda Pa sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) na pinamumunuan ni chairman Reli De Leon.





Comments