Sundalo patay, Philippine Army officer, nakaligtas sa ambush
ni Lolet Abania | November 13, 2022

Patay ang isang sundalo habang isang opisyal ng Philippine Army ang nakaligtas sa naganap na ambush sa Cotabato City nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang nakaligtas sa naiulat na pananambang na si Lt. Col. Maniago Balayman Macalantagui, 49, subalit ang driver nitong si Army Corporal Ramil Upam Laguioman, 34, ay nasawi sa insidente.
Ayon sa mga awtoridad, naganap ang ambush pasado alas-7:00 ng gabi sa Sinsuat Avenue, Rosary Heights 9, Cotabato City. Sakay ang mga biktima sa isang pulang SUV nang pagbabarilin sila ng maraming beses ng mga hindi nakikilalang gunmen.
Nagtamo si Laguioman ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan habang hindi naman nasaktan si Macalantangui.
Agad na isinugod ang mga biktima sa Notre Dame Hospital subalit idineklara si Laguioman na dead-on-arrival.
Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang 7 piraso ng basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa caliber .45 baril at 3 piraso ng naiputok nang bala sa parehong kalibre.
Si Macalantangui ay nakatalaga sa Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa Cotabato City habang si Laguioman ay naka-assign naman sa 6th Infantry Division’s CMO Battalion na nakabase sa PC hill, Barangay Rosary Heights 1, Cotabato City.
Hiningi na ng mga awtoridad ang CCTV footage mula sa malapit na mga establisimyento habang nasasagawa na rin ng follow-up investigation sa nangyaring pananambang.





Comments