top of page

Sumuko sa kasong graft… “‘DI AKO PABABAYAAN NG DIYOS, WALA AKONG KASALANAN” — BONG

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 3 min read

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | January 21, 2026



Bong Revilla - Circulated FB

Photo: Bong Revilla - Circulated FB



Kaagad na sumuko si dating Senador Bong Revilla matapos isyuhan ng warrant of arrest at hold departure order ng Sandiganbayan Third Division.


Matatandaang sinampahan si Bong ng graft and malversation of public funds through falsification of public documents ng Office of the Ombudsman kaugnay ng maanomalyang ghost flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).


Bago sumuko ay naglabas ng mensahe si Bong sa kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng isang video na ipinost niya sa kanyang Facebook (FB) account.

Ayon sa aktor-pulitiko, tila wala raw due process ang paglabas ng kanyang warrant of arrest.


“Magandang gabi po, mga kababayan. Nakatanggap po kami ng impormasyon na lumabas na ang aking warrant of arrest. Nakakalungkot po, parang wala yatang due process,” malungkot na sabi ni Bong habang napabuntong-hininga.


Sa kabila nito ay sinigurado niyang haharapin niya ang kaso at pinanindigan na inosente siya sa mga paratang.


“Pero gayunpaman, haharapin ko ito nang walang takot at alam kong ‘di ako pababayaan ng Diyos dahil wala po akong kasalanan dito,” saad ng dating senador.


Kasunod nito ay humiling siya ng dasal upang bigyan siya ng sapat na tibay ng Panginoon, gayundin ang kanyang pamilya.


“Hiling ko lang, hihingi ako ng panalangin at patatagin n’yo rin po ang aking pamilya. Hindi ko po maipaliwanag kung ano ang nararamdaman ko. Napakasakit po para sa akin at sa aking pamilya,” wika niya na halatang mabigat ang loob.


Samantala, ang anak ni Bong na si Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla ay naglabas din ng kanyang pahayag ngayong Enero 20 hinggil sa pagsuko ng ama.


“The decision of my father, Ramon Bong Revilla Jr., to voluntarily submit himself to the authorities was a deliberate step to confront the accusations head-on and to affirm his faith in our legal institutions,” saad ni Jolo.


“Hindi ito pag-iwas kundi pagharap. He believes that the proper place to resolve these issues is inside the courtroom, where facts matter and the law speaks louder than speculation,” patuloy niya.


Nanawagan din si Jolo ng patas na hustisya para sa kanyang ama at hiniling sa publiko na ipaubaya sa justice system ang kaso.


“As a son, this is a difficult moment for our family. As a legislator, I recognize the importance of accountability and the integrity of due process. In this light, we respectfully call for fairness—fair treatment under the law, fair judgment based on evidence, and fairness in public discourse that refrains from trial by publicity.


“I therefore ask the public and the media to allow the justice system to work—without pressure, noise, or premature conclusions,” pahayag ni Jolo.


“Nagpapasalamat kami sa patuloy na panalangin at malasakit ng mga taong nananatiling naniniwala sa patas at makatarungang paglilitis. Sa huli, naniniwala kami na ang katotohanan ang mananaig. Thank you,” pagtatapos niya.


Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame si Bong at, ayon sa pinakahuling ulat, nagpiyansa ito ng P90,000 para sa graft case, habang non-bailable naman ang malversation case kaya nakakulong na sa QC Jail.


Matatandaang isinangkot ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo si Bong sa flood control scandal.


“Ayon kay Bernardo, ang GAA insertions noong 2024 na nagkakahalaga ng P300 milyon ay para kay Sen. Ramon Bong Revilla, Jr., na noon ay kumandidato para sa 2025 senatorial elections,” pahayag naman ni dating DPWH District Engineer Henry C. Alcantara.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page